ISANG daang beses na mas malala ang Maharlika Investment Fund (MIF) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kumpara sa Coco Levy Fund ng kanyang amang si Ferdinand E. Marcos Sr.
Ganito pinagkumpara ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairman emeritus at dating Congressman Rafael Mariano ang MIF kaya dapat aniya itong tutulan ng taumbayan.
“The Maharlika Investment Fund is like the Coco Levy Fund on steroids. MIF is 100 times much worse than the Coco Levy fund that was extorted by the Marcos Sr. regime from coco farmers in the 1970s,” ani Mariano.
Kung ang coco levy ay sapilitang kinubra aniya ni Marcos Sr. sa maralitang magniniyog, ang pera ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor naman ang kukunin ni Marcos Jr. para ipampuhunan sa MIF.
Kaugnay ito ng probisyon sa Senate version kung saan nakasaad sa Section 12 na maaaring magkaroon ng voluntary investment ang Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS) at Government Financial Institutions (GFIs) tulad ng Pag-IBIG fund, PhilHealth at iba pa maging sa Government Owned and Controlled Corporation (GOCCs).
Kung P100 Billion umano ang kinubra ni Marcos Sr. sa mga magniniyog na ginamit lamang ng kanyang cronies, sinabi ni Mariano na ganito rin ang posibleng mangyari sa P500 Billion na nais ilagak ni Marcos Jr. sa kanyang Maharlika fund.
“Hanggang ngayon, halos limang dekada na ang nakakaraan, hindi pa rin naibabalik at napapakinabangan ng mga magsasaka ang P100-bilyon coco levy fund,” dagdag pa ng dating mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
317