6 SUGATAN SA 2 HIGHWAY ACCIDENTS SA QUEZON

QUEZON – Anim na katao ang nasugatan sa dalawang magkahiwalay na vehicular accident sa Quirino Hi-way, sa bayan ng Tagkawayan noong Sabado.

Ayon sa Quezon Police Provincial Office, nangyari ang unang aksidente sa Brgy. San Francisco kung saan nagkasalpukan ang isang owner type jeep na sinasakyan ng magkakapamilya, at isang pampasaherong bus dakong alas-9:45 ng umaga.

Ayon sa imbestigasyon, nag-overtake ang Bicol bound P&O passenger bus sa sinusundang sasakyan sa paakyat at kurbadang bahagi ng highway kaya nakasalpukan nito ang kasalubong na pababang owner type jeep na nasa kanyang linya.

Nagresulta ito sa pagkasugat ng driver ng jeep na si Ruben Colada, 35, at tatlong pasahero ng jeep na na sina Claire Allen Colada, 30; Floresto Aldeguer, 60; at 4-anyos na si Kyle Oliver Colada.

Ikinustodiya naman ng Tagkawayan Police ang driver ng bus na si Edwin Espiel, 38, na sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and damage to properties.

Bandang alas-3:45 naman ng hapon nang mahulog sa tinatayang 50 feet na lalim ng bangin ang isang wing van 10-wheeler truck sa Brgy. San Vicente.

Ayon sa Tagkawayan Police, galing sa Metro Manila at patungong Bicol region ang truck na may kargang construction materials ngunit habang umo-overtake ito sa sinusundang sasakyan sa kurbadang bahagi ng highway ay biglang may sumulpot na kasalubong.

Para maiwasan ang salpukan, kinabig ng driver pakanan ang sasakyan na bumangga sa railings ng highway bago nahulog sa bangin.

Dumanas ng mga pinsala sa katawan ang driver nito na si Roberto Sanchez Jr. at ang hindi tinukoy na pahinante na kapwa isinugod sa ospital. (NILOU DEL CARMEN)

247

Related posts

Leave a Comment