REFUND PA MORE

CLICKBAIT

KUSANG binabalik ng distribution utility ng Iloilo na MORE Electric and Power Corporation (MORE Power), ang Bill Deposit sa mga consumer.

Ayon kay MORE Power President at CEO Roel Castro, ang kusang pagbabalik ng bill deposit ay ginawa upang maging ehemplo sa iba pang distribution utilities.

Ang balik-bayad ay dapat tularan ng mga DU dahil maaaring hindi alam ng nakararaming konsyumer na may ganitong patakaran.

Ano ang Bill Deposit? Ito ay ang binabayad ng mga konsumidor sa Distribution Utilities (DU) bilang garantiya sa bayad ng electric bills. Ito ay alinsunod sa Article 7 ng Magna Carta for residential electric consumers. Kahalintulad ito ng security deposit para sa gustong umupa ng bahay. Nakasaad din na ang bill deposit ay kailangang ibalik ng mga DU makalipas ang 3 taon.

Kapuri-puri ang More Power sa ginawang inisyatiba. Tila sa dami ng DU sa bansa, lumalabas na ang More Power lang ang sumunod sa Article 7 ng Magna Carta for Residential Electric Consumers.

Kusa nang pinaalalahanan ng MORE Power ang kanilang mga consumer na mayroong refund ng bill deposit.

Ngunit may kondisyon na siguro ay hindi mahirap tupdin dahil esensyal ang kuryente.

Ang kondisyon: Kailangang maayos magbayad ang kostumer, walang utang, sakto sa oras magbayad at hindi kailanman naputulan dahil sa overdue payments.

Isinosoli ang bill deposit, pero sa mga hindi nagkukusang ito ay ibalik, eh ano ang gagawin sa depositong malaki ang halaga ‘pag pinagsama-sama?

Ayon kay Castro, wala silang intensyong gamitin ang pera, wala silang balak na itago ang pondo, at wala silang intensyon na gamitin ito sa kanilang operasyon. Ibabalik nila ang deposito sa takdang panahon para i-refund sa mga customer.

Bukod sa refund ng bill deposit, nananatili ang MORE Power na may pinakamababang power rates sa buong Visayas at marahil sa buong bansa. Aabot sa P5 million bill deposits fund ang MORE

Power na handang ibalik sa mga konsyumer ngayong taon.

Pinuri ng Energy Regulatory Commission (ERC) ginawang balik-bayad ng MORE Power, ngunit sana naman hindi lang pagkilala at paghanga sa ginawa ng MORE Power ang gawin ng ERC.

Kalampagin at gisingin nila ang ibang DUs na tularan at sumunod sa ehemplong pinamamalas ng MORE Power.

Mas marami, mas mabuti at mas masaya.

o0o

Bakit hindi mabitiwan
ni BBM ang DA?

Takot ba silang akuin ang papel bilang puno ng Department of Agriculture (DA) o nanginginig sila sa kakaibang sindak kaya ayaw nilang paalisin ang nagrerenda ng departamento?

Sinabi President Ferdinand Marcos Jr. na hinihintay niyang may magprisintang kalihim ng DA, ngunit ayaw siyang paalisin sa kanyang puwesto.

Medyo naaaliw, kundi man banas ang iba sa pahayag ni Marcos na ayaw siyang paalisin at walang nagboluntaryo maging kalihim.

Ba’t naman hihintaying may magboluntaryo gayung trabaho ng presidente na mag-nominate o mag-appoint ng kwalipikadong tao sa posisyon?

Wala talagang balak putulin ang renda sa ahensiya kahit pa tadtad ng kontrobersya partikular ang smuggling. Ibinida pa nga na tumugon ang DA sa krisis sa food supplies, presyo, gastos sa fertilizer, at kung ano-ano pa. May mga pagbabagong nangyayari sa DA, ngunit marami pa umanong dapat gawin, at pag iniwan niya ang ahensiya, gusto niyang may nakalatag nang sistema para matiyak ang food supply ng bansa. ‘Di ba malinaw na magtatagal ang ‘stay’ niya sa DA? Baka isang araw na lang natitira sa termino niya ay problema pa rin ang supply ng pagkain sa bansa.

153

Related posts

Leave a Comment