‘BASURA’ NG PNOY GOV’T SISILIPIN NG ANTI-CORRUPTION AGENCY

noynoy12

(NI MAC CABREROS)

SISILIPIN ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang katiwalian noong administrasyon ni dating pangulong Noynoy Aquino.

Ayon kay Presidential Anti-Corruption Commission Commissioner Atty. Manny Luna, kabilang sa sisilipin ang mga proyektong itinaguyod ng administrasyong Aquino nang manalanta ang bagyong Yolanda.

“Bago mambato sila ng putik ay tingnan sana nila ang kanilang basura,” pahayag ni Luna sa Fernandina Media Forum sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan.

Kasabay nito, inihayag ni Commissioner Luna na marami pang ‘ulo ang gugulong’ sa Bureau of Immigration.

Ayon Atty. Luna, pursigido ang administrasyong Duterte na walisin ang lahat na ‘anay’ sa mga sangay ng gobyerno lalo sa BI, Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue.

“We will catch more at maraming ulo pa ang sisibakin,” wika Luna.

Naunang sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 18empleyado kabilang ang mataas na opisyal at job contractors na nangikil ng halos P10 milyon sa mga Koreano na hinuli noong Marso 6.

Inihayag ni Luna na posibleng lusot sa civil case ang mga contractors ngunit madidiin sila sa criminal case.

Binanggit ng commissioner na mahigit 50 porsyento ng buong Immigration bureau ang nababahiran ng katiwalian.

Kasabay nito, mariing binalaan ni Luna ang mga opisyal at kawani ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno na iwasang gumawa ng katiwalian dahil ginagawa lahat ng commission na labanan ang talamak na korupsyon sa bansa.

Aniya, bagamat undermanned ang commission at napakalaki ang kanilang problemang kinakaharap, malaking tulong sa kanila ang iba pang ahensya ng gobyerno gaya ng NICA, AFP at PNP.

Himok din nito ang publiko na makipagtulungan sa kanilang hakbangin para sa nagkakaisang hakbang upang walisin ang mga tiwali sa gobyerno.

 

130

Related posts

Leave a Comment