TILA nakakalimutan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pangako nito na ibaba sa P20 ang presyo ng kada kilo ng bigas sa bansa kaya nagkukusa na ang rice industry players na magbenta ng mas mura bagama’t mas mataas ito sa pangako ng Pangulo noong nakaraang eleksyon.
Opinyon ito ng Amihan National Federation of Peasant Women at Bantay Bigas kaugnay ng ibinebentang bigas na nagkakahalaga ng P38 kada kilo sa mga palengke sa bansa na inisyatiba umano ng Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM) at hindi ni Marcos.
“Responsibilidad ng gobyerno ang pagtitiyak na dapat abot-kaya ang presyo ng bigas sa mga palengke. Hindi dapat iasa sa mga pribadong traders ang pagtitiyak at pagbebenta nito dahil nasa mandato nila ito,” pahayag ng tagapagsalita ng nasabing grupo na si Cathy Estavillo.
Kung may ibinebenta man aniya na P25 na bigas sa mga Kadiwa center ay limitado at hindi lahat ng tao lalo na sa maralitang konsyumer kaya mistulang drawing aniya ang pangako ni Marcos na ibababa nito sa P20 ang bawat kilo ng pangunahing pagkain ng mga Pilipino.
Lalong imposibleng mangyari aniya na makakabili ang mga tao ng P20 kada kilo ng bigas dahil ayaw paamyendahan ng Pangulo ang Rice Liberalization Law na siyang dahilan kaya bumaha ng imported rice sa bansa at napabayaan ang sektor ng agrikultura.
“Bukambibig palagi ang importasyon at walang pagsasaalang-alang na paunlarin ang lokal na produksyon. Matagal nang hindi nakikita ang P27 at P37 kada kilo na NFA rice sa mga palengke dahil sa batas na ito. Kahit ang pangakong P20 kada kilong bigas ni Marcos Jr. ay naglahong parang bula,” dagdag pa ni Estavillo.
Sinita rin ng nasabing grupo si Marcos dahil nang tumaas ang presyo ng bigas ay tahimik ito gayung siya ang secretary ng Department of Agriculture (DA) at sampal ito sa kanyang pangakong makakabili ang mga tao ng P20 kada kilo ng bigas kapag siya ang nahalal na pangulo.
Sa ngayon, ayon sa grupo ay napakalala ng krisis sa pagkain dahil patuloy na tumataas ang mga presyo nito at karugtong ito ng kawalang purchasing power ng mamamayan dahil sa kawalan trabaho.
Dahil dito, sisingilin umano ng mga magsasaka si Marcos sa kanyang political promises sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) sa susunod na Lunes (July 24). (BERNARD TAGUINOD)
248