PUNA ni JOEL O. AMONGO
PINANGUNAHAN ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) Party-list ang anim na civic-oriented groups, sa pagkondena sa ilegal na pag-aresto ng China sa tatlong Pilipino dahil umano sa pag-eespiya.
Kasama ng ABP Party-list sa pagkondena ang Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement, People’s Alliance for Democracy and Reform (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), Isang Bansang Pilipinas (IBP) at ang Kalipunan ng Mamamayang Pilipino (KAMPIL), sa hakbang na ito ng China na anila ay isang propaganda tactic upang ilihis ang totoong isyu ng lumalalang pag-aangkin sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Dr. Jose Antonio “Ka Pep” Goitia, first nominee ng ABP party-list at siya ring Chairman Emeritus ng ABKD at FDNY Movement, ito ay isang hayagang anyo ng pananakot ng pamahalaang Tsino at isang diversionary tactic upang bigyang-katwiran ang ilegal na pagkakakulong ng tatlong Pilipino.
Ang mga ito ay sina David Servanez, Albert Endencia, at Natalie Plizardo na inaresto sa China dahil sa umano’y paniniktik para sa intelligence ng Pilipinas.
Ayon pa sa kanya, ang tatlo ay masunuring mamamayang Pilipino na dumaan sa screening ng pamahalaang Tsino bago sila tinanggap bilang mga iskolar sa ilalim ng Hainan government scholarship na nakapaloob sa sisterhood agreement sa pagitan ng lalawigan ng Palawan at Hainan.
Nagpahayag naman ng pagdududa ang tatlong grupo sa diumano’y pag-amin ng naarestong mga Pilipino, at sinabing ito ay ginawa sa ilalim ng matinding pressure, batay sa pahayag ng pamahalaang Tsino kung saan binanggit ang “Philippines Intelligence Agency” o “Philippine Spy Intelligence Services”, mga ahensyang hindi umiiral sa gobyerno ng Pilipinas.
“Ang mga alegasyong ito ay walang basehan at pawang kasinungalingan lamang, bahagi ng isang planadong smear campaign kasunod ng pag-aresto ng pinaghihinalaang Chinese spies ng mga ahensya ng pagpapatupad ng batas sa Pilipinas nitong mga nakaraang buwan. Nagdudulot ito ng seryosong pangamba na ito ay isang kalkuladong hakbang ng pagganti,” pahayag pa ni Goitia.
Naniniwala rin si Goitia na ang insidente ay isang uri ng pressure upang patahimikin ang gobyerno ng Pilipinas hinggil sa mga isyu sa rehiyon, lalo na sa West Philippine Sea (WPS).
“Inaaresto nila ang ating mga kababayan, nagpapakalat ng propaganda, at pilit na pinalalabas na sila ang biktima, pero sa katunayan ay sila ang nagkakalat ng kasinungalingan at pananakot,” dagdag pa ni Goitia.
Kaugnay nito, suportado ni Goitia ang panawagan na tiyaking na ang tatlo ay mabibigyan ng due process, makatarungang pagtrato, at paggalang sa kanilang mga karapatan alinsunod sa batas ng China.
Hiniling din niya ang agarang pagpapalaya sa tatlong Pilipino mula sa kustodiya ng pamahalaang Tsino.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng tensyon, hinikayat niya ang mga Pilipino na maging mapagmatyag at ipaglaban ang dignidad ng bansa sa harap ng dayuhang agresyon.
Ipinagtanggol naman ng grupo si Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG), laban sa mga batikos ni dating Press Attaché Ado Paglinawan, na inaakusahan si Tarriela at iba pang opisyal ng pambansang seguridad na nasa impluwensya ng Estados Unidos, at kinukwestiyon ang pagiging lehitimo ng mga maritime patrol ng Pilipinas sa WPS.
“Ang alegasyon ni Paglinawan ay hindi lamang iresponsable, kundi nakasasama rin sa pambansang seguridad,” ani Goitia, kasunod ng pahayag ni Tarriela na kinokondena ang komentaryo ni Paglinawan na purong insinuation at misinformation.
Ipinagtanggol din ni Goitia ang integridad at kredibilidad ni Tarriela, at inilarawan siya bilang isa sa iilang opisyal na may tapang na manindigan para sa soberanya ng Pilipinas.
“Si Commodore Tarriela ay hindi lamang tagapagsalita, kundi isang tunay na Pilipino na patuloy na nagpapakita ng tapang sa pagtatanggol ng ating soberanya,” pahayag pa niya.
Tiniyak din ni Goitia na patuloy nilang ibibigay ang buong suporta kay Tarriela, sa publiko at handa silang lumabas sa lansangan kung kinakailangan.
oOo
Para sa reklamo at suhestiyon mag-email sa operarioj45@gmail.com.
