ABS-CBN PAGMUMULTAHIN NG P1.37-TRILYON

PIPILITIN ng Kongreso ang ABS-CBN na pagbayarin ng multang aabot sa P1.37 Trillion upang may magamit na pantulong sa mga empleyado ng nasabing network na inalis na sa trabaho.

Sa pag-uusap ng grupo ng mga mambabatas sa pangunguna ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa pamamagitan ng zoom, iminungkahi ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta na singilin ang ABS-CBN sa ilegal na pagbebenta ng kanilang blackbox.

Ayon kay Marcoleta, aabot sa P1.37 Trillion ang maaaring singilin sa ABS-CBN bilang multa sa 5 taon at apat na buwang pagbebenta ng mga ito ng blackbox dahil hindi ito aprubado ng National Telecommunications Commission (NTC).

Sinabi ni Marcoleta, nagbenta ng 9 million black boxes ang ABS-CBN nang walang pahintulot ang NTC kaya maaaring singilin ang mga ito ng P200 kada araw na paglabag kay aabot sa P1.37 Trillion ang kanilang multa.

‘DI MAGHIHIRAP

Samantala, sinabi rin ni Defensor na kahit hindi inaprubahan ng Kongreso ang panibagong prangkisa ng ABS-CBN ay hindi maghihirap ang pamilya Lopez.

“Assuming the Lopezes divested from ABS-CBN, they still effectively control at least four other publicly traded corporations with a combined market value of roughly P136 billion as of July 17,” ani Defensor.

Ang tinutukoy ni Defensor na mga kumpanyang pag-aari ng mga Lopez na nakalista sa Philippine Stock Exchange (PSE) ay ang First Gen Corp., First Philippine Holdings Corp., Lopez Holdings Corp., at Rockwell Land Corp.

Pag-aari rin umano ng pamilya Lopez ang 4% sa Manila Electric Co., (Meralco) na katumbas ng P11.5 Billion ang halaga at mayroon pa rin umanong negosyo ang mga ito sa cable TV, Internet service, film making at iba pa.

Kaya barya lamang umano ang mawawala sa mga Lopez dahil ang market value ng ABS-CBN ay P12.7 Billion lamang at kung 50% ang pag-aari nila rito ay P6.4 Billion lamang ang nawala sa kanila. (BERNARD TAGUINOD)

145

Related posts

Leave a Comment