TINIYAK ni Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Donald M. Gumiran ang pagpapalakas ng ugnayan at pagtutulungan ng Philippine Army sa mga kapwa hukbong katihan ng mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Tinalakay nina Gumiran at ng iba pang pinuno ng mga hukbong katihan ng ASEAN ang pagpapalakas ng panrehiyong kooperasyon sa depensa sa ginanap na 27th ASEAN Chiefs of Army Multilateral Meeting (ACAMM) noong Nobyembre 17, 2026 sa Melaka, Malaysia.
May temang “Fostering Collective Preparedness Among ASEAN Land Forces for a Stable and Secure Region,” nakatuon ang ika-27 ACAMM sa pagpapaigting ng sama-samang kahandaan at malapit na kooperasyon ng mga hukbong katihan sa rehiyon.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Chief of Malaysian Army Gen. Tan Sri Azhan Md Othman ang kahalagahan ng ASEAN centrality bilang aktibong prinsipyo sa operasyon ng mga hukbo sa rehiyon, sa halip na isang diplomatikong islogan lamang.
“Ang ASEAN centrality ay hindi lamang isang diplomatikong konsepto. Ito ang pangunahing prinsipyo sa operasyon na tumitiyak na ang mga bansa sa Timog-Silangang Asya ang nagtatakda ng adyenda sa seguridad ng rehiyon, nagpapanatili ng estratehikong awtonomiya, at nag-iingat sa ating rehiyon bilang lugar para sa makabuluhang pakikipag-ugnayan sa halip na tunggalian ng mga dayuhang kapangyarihan,” pahayag ni Othman.
Nagsilbing mahalagang plataporma ang taunang pagpupulong, na salit-salitang pinangungunahan ng mga hukbo ng ASEAN, upang magpalitan ng pananaw ang mga pinuno sa pagpapalakas ng kahandaan ng kanilang mga puwersa sa gitna ng lalong nagiging masalimuot na kalagayan sa seguridad.
Sa kanyang command guidance, sinabi ni Lt. Gen. Gumiran na patuloy na pinagtitibay ng Philippine Army ang pakikipagtulungan nito sa mga pandaigdigan at ASEAN partner sa pamamagitan ng makabuluhang pakikipag-ugnayan, malinaw na komunikasyon at matatag na propesyonalismo sa mga regular na pagtitipon tulad ng ACAMM.
(JESSE RUIZ)
32 