Para sa bagong Cainta Police Station 772 SQM LOT DONASYON NG CAINTA LGU SA RIZAL PPO

BILANG pagpapakita ng matibay na ugnayan at pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at kapulisan, matagumpay na isinagawa noong Nobyembre 18, 2026, ang Signing of the Deed of Donation and Acceptance sa pagitan ng Municipal Government of Cainta, Rizal at ng Philippine National Police (PNP).

Pinangunahan ang nasabing aktibidad ni PBGen. Dominic L. Baccay, Regional Director ng Police Regional Office 4A, kasama si PCol. Atty. Eleazar R. Barber Jr., Provincial Director ng Rizal Police Provincial Office, at PLt. Col. Alfredo DG Lim, Chief of Police, Cainta Municipal Police Station.

Nakiisa rin bilang panauhing pandangal si Hon. Atty. Johnielle Keith “Kit” P. Nieto, Municipal Mayor ng Cainta, Rizal, kasama ang iba pang opisyales ng lokal na pamahalaan.

Bahagi ng kasunduan ang pagkakaloob ng Pamahalaang Bayan ng Cainta ng 772 square meters na lupain para sa pagtatayo ng bagong Cainta Municipal Police Station. Sa pamamagitan nito, magkakaroon na ng permanente at sariling lokasyon ang himpilan ng pulisya, na ililipat mula sa kasalukuyan nitong gusali patungo sa lupang ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Nieto na malaking tulong ang nasabing donasyon upang higit na mapabilis at mapalapit ang paghahatid ng serbisyo ng kapulisan sa mamamayan ng Cainta at maging sa buong lalawigan ng Rizal.

Samantala, nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat si PBGen. Baccay sa Pamahalaang Bayan ng Cainta sa pagkakaloob ng lupa. Aniya, ang naturang suporta ay makatutulong upang higit pang mapatatag ang kakayahan ng kapulisan sa pagtupad ng kanilang tungkulin, partikular sa pagpapalakas ng crime prevention at pagpapanatili ng kaligtasan at kaayusan ng komunidad.

Ang nasabing hakbang ay sumasalamin sa kahalagahan ng pagkakaisa at suporta ng bawat lokal na pamahalaan sa kapulisan upang magkaroon ng mas maayos, episyente, at epektibong serbisyong pampubliko.

(KNOTS ALFORTE)

35

Related posts

Leave a Comment