NANAWAGAN si ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) Secretary-General Dr. Chem Widhya sa mga parlamento ng mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na palakasin ang diplomasya at pagtutulungan upang mapanatili ang pagkakaisa ng rehiyon sa gitna ng tumitinding tensiyong geopolitikal, kawalang-katiyakan sa ekonomiya at iba pang hamong kinakaharap ng Timog-Silangang Asya.
Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng 47th AIPA General Assembly sa Maynila noong Nobyembre 18, binigyang-diin ni Widhya ang kahalagahan ng tuluy-tuloy na pag-uusap at sama-samang pagkilos upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan at matiyak na mananatiling sentro ng panrehiyong kaayusan ang ASEAN.
Binigyang-diin din ni House Speaker at AIPA President Faustino “Bojie” G. Dy III, na pormal na nagbukas ng General Assembly, ang mahalagang papel ng diyalogo ng mga parlamento sa pagpapanatili ng mapayapang ugnayan ng mga bansang kasapi ng ASEAN.
Bilang pagtukoy sa mga prinsipyo ng Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia, sinabi ni Dy na tungkulin ng mga mambabatas na panatilihing buhay ang mga ito sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanilang mga katapat sa ibang bansa at pagpapanatili ng pagkakaibigan sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw.
Nagbabala naman si Widhya na lalong nagiging masalimuot ang pandaigdigang kalagayan dahil sa mga tunggaliang pampulitika, pagbabago ng klima, suliraning panlipunan at mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.
Dahil dito, kailangan aniya ang maingat na talakayan, sama-samang karunungan at malinaw na paninindigan upang mapanatili ang diyalogo, pagkakaisa ng ASEAN at pagtutulungan ng mga kasaping bansa.
Binigyang-diin din niya na dapat tiyaking tumutugon ang panrehiyong kooperasyon sa mga pangangailangan at mithiin ng mamamayan, dahil direktang nananagot sa mga ito ang mga pambansang parlamento.
Sa pamamagitan ng parliamentary diplomacy, nakatutulong ang AIPA sa pagpapalalim ng pagkakaunawaan at pagsusulong ng kooperasyong panrehiyon, ayon kay Widhya.
Maaari rin umanong palakasin ng mga parlamento ang kooperasyon sa pamamagitan ng kanilang mga tungkuling lehislatibo, pangangasiwa sa pamahalaan at paglalaan ng badyet upang matiyak na naipatutupad sa bawat bansa ang mga kasunduan at pangakong nabuo sa antas ng ASEAN.
Binigyang-pansin din ni Widhya ang ika-50 anibersaryo ng Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia bilang paalala sa mga prinsipyong gumagabay sa rehiyon sa nakalipas na limang dekada. Kabilang dito ang paggalang sa soberanya at integridad ng teritoryo ng bawat bansa, hindi pakikialam sa panloob na usapin ng ibang estado, mapayapang paglutas ng sigalot at pagtanggi sa banta o paggamit ng dahas.
Ayon sa AIPA Secretary-General, nananatiling mahalaga ang mga prinsipyong ito at dapat patuloy na sundin upang mapanatili ang pangmatagalang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Sinabi rin niyang magkaugnay ang temang “Navigating Our Future, Together” ng Pilipinas bilang tagapangulo ng ASEAN at “Parliaments Securing a Peaceful, Prosperous, and People-Centred ASEAN” bilang pangulo ng AIPA, dahil kapwa binibigyang-diin ng mga ito ang papel ng mga pamahalaan at lehislatura sa paghubog ng kinabukasan ng rehiyon.
Bilang halimbawa, binanggit niya ang ASEAN-AIPA Leaders’ Interface noong Nobyembre 15, na nagpakita kung paano makatutulong ang mas malapit na ugnayan ng ehekutibo at lehislatibong sangay ng pamahalaan sa pagsusulong ng ASEAN Community Vision 2045.
Kabilang sa mga layunin nito ang inklusibong paglago ng ekonomiya, katatagan laban sa pagbabago ng klima, pagkakapantay-pantay ng kasarian at pagpapalakas ng koneksiyon ng mga bansa sa rehiyon.
Binigyang-diin din ni Widhya ang pangangailangang higit na isama ang kababaihan at mga batang mambabatas sa mga talakayan at pagpapasya sa rehiyon, gayundin ang pagpapalakas ng ugnayan sa mga parlamento na may katayuang observer upang maiparating ang sama-samang paninindigan ng ASEAN sa pandaigdigang komunidad.
Umaasa si Widhya na magbubunga ng makabuluhang resulta ang General Assembly na pinangungunahan ng House of Representatives sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Dy, batay sa paggalang sa isa’t isa, diyalogo at sama-samang paninindigan para sa isang mapayapa, maunlad at nakasentro sa mamamayang ASEAN na walang naiiwan.
32 