MULING nakapagtala ng 20 namatay sa COVID-19 ang CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area noong Abril 17 at lumobo sa 5,102 ang active cases, isang linggo matapos na simulang ipatupad ang Modified Enhanced Community Quarantine sa National Capital Region at apat na karatig lalawigan.
Ayon sa ulat, walo ang patay sa Caloocan City at umakyat sa 1,978 ang active cases. Sumampa na sa 22,942 ang confirmed cases sa lungsod, kung saan 20,300 na ang gumaling at 664 na ang namatay.
Anim naman ang patay sa Valenzuela City at 1,173 ang active cases matapos na 380 ang nakarekober ngunit 324 naman ang nagpositibo. Umabot na sa 15,567 ang confirmed cases sa siyudad at sa bilang na ito ay 14,013 na ang gumaling at 381 na ang namatay.
Apat namang COVID patients ang namatay sa Navotas City at 1,109 ang active cases matapos na 19 ang gumaling ngunit 48 ang nagpositibo.
Pumanhik na sa 9,872 ang nasapol nag pandemya sa lungsod, kung saan 8,471 na ang nakarekober at 292 na ang namatay.
Samantala, 373 na ang COVID death toll sa Malabon matapos na dalawang pasyente ang sumakabilang-buhay. Habang 39 ang nadagdag na confirmed at sa kabuuan ay 11,264 na ang positive cases sa siyudad, 842 dito ang active cases.
Umabot naman sa 70 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling at sa kabuuan ay 10,049 na ang recovered patients ng lungsod. (ALAIN AJERO)
