SIYAM na lang ang active COVID cases sa Navotas City noong Nobyembre 26 matapos na isa ang nahawaan at apat naman ang gumaling.
Pumalo na sa 17,618 ang total cases sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 17,065 na gumaling at 544 ang namatay.
Kaugnay nito, hinimok ni Navotas Congressman John Rey Tiangco ang nasasakupan na suportahan ang mga lokal na negosyo at tulungang makabangon ang ekonomiya ng lungsod na inilugmok ng pandemya sa pagbubukas ng Christmas Bazaar ng lungsod sa Navotas Citywalk and Amphitheater. Bukas ang Christmas Bazaar mula 5 pm hanggang hatinggabi hanggang Disyembre 23.
Kasabay ng pagbubukas ng bazaar ay pinailawan din ni Cong. Tiangco at Mayor Toby Tiangco ang Christmas Tree ng lungsod. Pormal ding binuksan ang Pescador at Green Zone parks sa Barangay Bangkulasi at North Bay Boulevard North (NBBN), ayon sa pagkakasunod, at pinasinayaan din ang NBBN Elementary School Multi-Purpose Hall.
Samantala, ayon sa Malabon City Health Department, tatlo ang nadagdag na confirmed cases sa nasabing petsa at sa kabuuan ay 21,279 ang positive cases sa Malabon, 20 dito ang active cases.
Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangay Catmon (2) at Tonsuya (1). Habang sampung pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sila ay mula sa Barangays Catmon (1), Concepcion (6), Dampalit (1), Tinajeros (1), at Tonsuya (1).
Sa kabuuan ay nasa 20,609 ang recovered patients ng lungsod at nanatili sa 650 ang death toll.
Bumaba naman sa 48 ang active cases sa Valenzuela City sa nasabi ring araw matapos na apat ang nahawaan at anim ang gumaling. Sumampa na sa 35,786 ang confirmed cases sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 34,911 na ang gumaling at 827 na ang namatay.
Gayunpaman, sa kabila ng nasabing positibong kaganapan, mismong si Health Secretary Francisco Duque ang nagsabi noong Sabado ng umaga na hindi dapat maging kampante ang mga mamamayan, lalo na sa paglitaw ng bagong COVID variant na Omicron (B1.1.529) sa Timog Africa na mas maraming mutations at sinasabing pinakamabagsik na variant ng coronavirus, na pwedeng makaapekto sa laban sa pandemya.
Idineklara na ito ng World Health Organization bilang ‘variant of concern’ at dahil sa pagkabahala ng mga siyentipiko at upang huwag na itong kumalat, marami nang bansa ang nagdeklara ng travel ban sa mga galing sa South Africa at kanugnog na lugar. (ALAIN AJERO)
206 