MULING hinamon ng civil society groups ang Asian Development Bank (ADB) na tuldukan na ang maruruming proyektong pang-enerhiya sa pamamagitan ng pagpapatigil sa pamumuhunan o pagpopondo sa ‘coal’ o karbon.
Ang panawagan ay isinagawa ng grupo sa isang webinar kung saan isinapubliko rin ang pag-aaral na pinamagatang “Leaving behind ADB’s Dirty Energy Legacy”, ilang araw bago ang Annual Governors Meeting ng ADB.
Ayon kay Gerry Arances, Executive Director ng Center for Energy, Ecology, and Development (CEED), dahil sa maluwag na 2009 Energy Policy nito, naging daan ang ADB sa pagpapakalat ng maruming enerhiya sa Asya.
Giit niya, hindi mapagtatakpan ng anomang dami ng mga proyekto para sa renewable energy ang naging papel ng bangko sa pagpapalaganap ng kasinungalingang posible ang ‘clean coal’ at ang katotohanang kalahati sa installed capacity ng mga proyektong pang-enerhiya ng ADB nitong huling dekada ay para sa karbon at iba pang petrolyo.
“Thanks to the lenient Energy Policy it adopted in 2009, ADB is guilty of having shaped Asia’s energy sector into its carbon-intensive state today. No amount of renewable energy investments could cover up the bank’s role in advancing the myth of clean coal and the fact that half of the total installed capacity of power generation projects it funded the past decade are from fossil fuels,” saad pa ni Arances.
Binigyang-diin ni Arances, sa gitna ng lumalalang krisis sa klima at kalidad ng hangin, pagmura ng mga teknolohiya, ng renewable energy, at mga pangangailangang pangkalikasan at pang-ekonomiya na nangibabaw ngayong panahon ng COVID- 19, panahon na upang mag-‘decarbonize’ ang ADB.
Magugunitang, bago pa man inilabas ang pag-aaral na ito, ginamit na ng CEED at NGO FORUM on ADB, isang grupo ng higit 250 na organisasyong sibil mula sa iba’t ibang panig ng Asya, ang “Leaving behind ADB’s Dirty Energy Legacy” sa pakikipag-ugnayan sa mga pinuno ng bangko upang manawagang tigilan na nila ang pagpondo sa maruming enerhiya. (TJ DELOS REYES)
122
