MANILA— CitizenWatch Philippines nagbabala sa panukalang interest rate cap ng Securities and Exchange Commission (SEC) para sa maliliit at unsecured na pautang na maaaring magdulot ng kaguluhan sa kasalukuyang small-credit ecosystem ng bansa.
Ayon sa grupo, ang naturang panukala ay maaaring magtulak sa milyon-milyong Pilipino na manghiram sa mga ilegal na pautang o nagpapautang.
Nakasaad umano sa draft circular na inilabas noong Oktubre 29 na lilimitahan sa 10 porsiyento kada buwan ang effective interest rate para sa mga unsecured loans na nagkakahalaga ng P20,000 simula Disyembre ngayong taon.
Ito ay bilang pagpapalawak sa polisiya na inilathala noong 2022 na sumasaklaw lamang sa pautang na hindi hihigit sa P10,000 na dapat bayaran sa loob ng apat na buwan.
Ayon kay SEC Chair Francis Lim, ang bagong cap ay may layuning ipakita ang kasalukuyang socioeconomic condition ng bansa at tugunan ang dumaraming bilang ng mga nanghihiram na nasasadlak sa “cycles of debt” dahil sa labis na interes at pang-aabuso ng certain entities sa online lending apps.
Kaugnay nito, iginiit naman ni CitizenWatch lead convenor Orlando Oxales na ang panukala ay posibleng makapag-trigger ng credit crisis sa bansa para sa mga mahihirap na nanghihiram ng pera.
“This proposal strikes at the core of the small credit system that millions of Filipino families rely on every single day,” sabi ni Oxales.
Binigyang-diin din niya na umaasa ang maraming Pilipino sa maliliit na pautang para sa emergency, pangunahing gastusin, at pang-araw-araw na puhunan sa trabaho o maliliit na negosyo.
Ayon sa kanya, kapag hinigpitan ang naturang cap ay maaaring mawalan ng akses ang mga Pilipino sa mga pormal na lending channels at maaaring maging ‘financially unsustainable’ ang mga nasabing produkto para sa mga regulated lenders.
Dinagdag din ni Oxales na kapag umatras ang mga regulated at official lenders dahil sa cap ay mawawalan ng pormal na opsyon ang mga tao at mapipilitang humiram sa mga ‘underground lenders’ na naniningil umano ng 20 porsiyento kada linggo at gumagamit ng daily collection pressure, verbal intimidation, at public shaming.
“These are not just high-interest lenders. They operate with fear, not fairness,” saad ni Oxales kaugnay ng mga underground lenders.
Binanggit ng grupo na ang paghihigpit ng akses sa small, short-term credit ay taliwas sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang huling SONA na palakasin at palaguin ang MSMEs.
Ayon kay Oxales, ang unti-unting pag-limita sa limitado ngunit gumaganang ecosystem ng mga regulated at small-loan providers ay gagawa lamang ng oportunidad upang abusuhin ng mga illegal lenders ang naturang panukala.
“The people who feel the impact first are those already living on the margin. A disruption in their access to formal small loans means returning to lenders who operate outside the law and outside basic standards of decency,” dagdag niya pa.
Hinimok ng CitizenWatch ang SEC na sa halip na pahinain ang mga lehitimong nagpapautang ay palakasin na lamang ng ahensya ang mga panukala laban sa ilegal at abusadong lenders, at maglagay ng mas maraming consumer education upang matulungan ang mga nanghihiram na gumawa ng matalinong desisyon.
Bilang pagtatapos sinabi ni Oxales na ang tunay na proteksyon ay nangangailangan ng malalim na pang-uawa sa aktuwal na paraan ng panghihiram at kung paano kumikilos ang mga responsable at legal na lender.
“Protect consumers by targeting abusive, unregistered lenders—not by weakening the legitimate providers who follow the rules,” saad niya.
Sa huli, nanawagan ang grupo na isaalang-alang ng SEC ang buong hanay ng mga maaapektuhang mga sektor bago pa man tuluyang maipatupad ang nasabing panuntunan o interest cap.
21
