TINIYAK ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakahanda ang mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa pagpasok ng typhoon season.
Ayon sa AFP, nakahanda rin ang militar na magpadala ng karagdagang assets at suplay para sa mga sundalong nakabase sa naturang naval detachment kung kinakailangan.
Sinabi ni Rear Admiral Roy Vincent Trinidad (Ret.) na patuloy na mino-monitor ng AFP ang kalagayan ng mga sundalong nakatalaga sa West Philippine Sea, hindi lamang sa BRP Sierra Madre, at nananatiling matatag ang communication lines na ginagamit upang masubaybayan ang kanilang sitwasyon.
Ipinaliwanag ni Trinidad na bihirang daanan ng malalakas na bagyo ang bahagi ng West Philippine Sea kung saan nakapwesto ang BRP Sierra Madre kaya limitado lamang ang epekto ng masamang panahon sa mga sundalo.
Tiniyak din niya na tuloy-tuloy ang paghahatid ng mga serbisyo at suplay sa mga navy personnel sa kabila ng typhoon season.
Dagdag pa ni Trinidad, sapat ang malalaking barko ng pamahalaan para sa rotation and resupply missions at hindi pababayaan ng gobyerno ang mga sundalong nakatalaga sa mga kritikal na lugar sa West Philippine Sea.
(JESSE RUIZ)
71 