NAGLABAS ng babala ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa rally organizers na bantayan ang kanilang hanay para huwag mapasukan ng infiltrators at agitators na layong maghasik ng karahasan sa gitna ng isasagawang kilos-protesta.
Kasabay nito, inihayag ni AFP chief of Staff General Romeo Brawner na may mga nasasagap silang intelligence information na baka mapasukan ng infiltrators ang dalawang malaking kilos-protesta na gaganapin ngayong Linggo kabilang ang bantang pagpapasabog ng granada ng ilang indibidwal para lumikha ng kaguluhan.
Ayon kay Gen. Brawner, ang nasabing impormasyon ay nakaabot na rin sa Philippine National Police (PNP) hinggil sa pagsalisi ng posibleng agitators para samantalahin ang isasagawang rally.
“Nananawagan kami sa kanila [organizers] to secure and police their ranks to make sure na hindi sila masingitan dahil may mga nagre-report po sa atin, pati sa PNP, na maaaring masingitan sila,” pahayag ni Brawner sa panayam ng media sa Camp Aguinaldo sa Quezon City nitong Biyernes.
“May infiltrators at baka may magpasabog ng granada. Nakakatakot po ‘yun. ‘Yung mga peace-loving na kababayan natin baka masaktan sa ganito. So, we are asking the organizers to make sure na safe, peaceful ang kanilang mga rally. Pero nandyan kami, we assure them that we will be assisting them,” dagdag pa ng heneral.
Pangunahing tinututukan ng PNP-AFP at iba pang law enforcement agencies ng pamahalaan ang magaganap na “Rally for Transparency and A Better Democracy” na pangungunahan ng Iglesia ni Cristo sa Rizal Park, Luneta sa Manila mula Nobyembre 16 hanggang 18.
Ang United People’s Initiative (UPI) ay magtitipon-tipon sa EDSA People Power Monument sa Quezon City sa nasabi ring petsa.
Una nang tiniyak ng PNP at ng National Capital Regional Police Office na sisiguraduhin nila na magiging matiwasay, maayos at payapa ang magaganap na mga pagkilos.
Samantala, nagbabala naman ang Department of the Interior and Local Government sa mga raliyista na off limits sa kanilang pagkilos ang paligid ng Malacañang.
“Kami po sa DILG ay nakikiisa sa mungkahi ng Iglesia ni Cristo sa kanilang panawagan. Para sa Katotohanan, Pananagutan, at Hustisya ang tinig at sigaw ng bawat Pilipino.”
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, “bahagi ng aming katungkulan ang siguraduhin ang kapayapaan sa mga kaganapan.”
“Isa po lamang na paalala: ang paligid ng Malacañang ay mahigpit naming gagampanan ang seguridad para sa kalahatan. Sa mga magulang, sana paalalahanan ninyo ang inyong mga anak na huwag sumama sa mga ‘Geng-Geng’ at ‘gangsta.’ Lahat po ng magpakita ng balak manggulo ay pagtutuunan namin ng buong bigat ng batas,” paalala ng kalihim.
“Lahat po ay gagawin namin para manatili ang katahimikan,” sabi pa ng SILG.
Kaugnay nito, tiniyak din ng AFP na nakahanda sila na sumuporta sa PNP para mapanatili ang kapayapaan at peace and order.
(JESSE RUIZ)
11
