AFP WALANG ISUSUKONG KAHIT ISANG PULGADA NG TERITORYO NG PILIPINAS

MARIING itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang anomang mungkahing isuko ang alinmang bahagi ng teritoryo ng bansa sa gitna ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.

Ito ang pahayag kahapon ni Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad kasunod ng mungkahi ni Senador Rodante Marcoleta na mas mainam umanong isuko na lamang ang Kalayaan Island Group (KIG).

“Throughout history, the Armed Forces has never wavered in performing this mandate and we have proven it time and again,” pahayag ni RAdm. Trinidad.

Ayon sa opisyal, hindi kailanman tatalikuran ng AFP ang mandato nitong ipagtanggol ang soberanya ng bansa, alinsunod sa polisiya ng pamahalaan na “not giving up one square inch” ng teritoryo ng Pilipinas.

“Guided by a policy of ‘not giving up one square inch’ and a matching strategy of comprehensive archipelagic defense,” patuloy na ginagampanan ng Hukbong Sandatahan ang kanilang tungkulin nang may propesyonalismo at pagmamahal sa bayan, ani Trinidad.

Nilinaw rin niya na saklaw ng kanilang sinumpaang protektahan ang buong national territory ng Pilipinas, kabilang ang pinagtatalunang Bajo de Masinloc hanggang Kalayaan Island Group na inaangkin din ng buo o bahagi ng ilang karatig-bansa.

Dismayado rin si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Commodore Jay Tarriela sa pahayag ni Marcoleta.

“Bilang Pilipino, nakakadismaya, nakakagalit, nakaka-disappoint bakit tayo may isang elected official na tila winawalang bahala ang posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea,” ani Tarriela.
“It’s very disappointing,” dagdag pa niya.

Nauna nang sinabi ni Marcoleta na dapat isuko ng Pilipinas ang KIG dahil ang ilan umanong features nito ay nasa labas ng exclusive economic zone ng bansa. Kalaunan, iginiit ng senador na binago umano ng mga kritiko ang konteksto ng kanyang pahayag.

(JESSE RUIZ)

32

Related posts

Leave a Comment