BULACAN – Naaagnas na ang bangkay ng mag-ina nang madiskubre ng kanilang mga kaanak noong Biyernes ng tanghali sa kanilang bahay sa Purok 2, Barangay Mercado sa bayan ng Hagonoy.
Kinilala ni P/Lt. Col. Roginald Francisco, hepe ng Hagonoy Police, ang dalawang biktima na sina Carmelita Tungol, 69, may asawa, at anak nitong si Mary Grace Tungol, 43, dalaga, kapwa ng
nasabing lugar.
Base sa imbestigasyon, sa pagitan ng alas-11:00 ng umaga at alas-12:00 ng tanghali nang madiskubre ng mag-asawang sina Wilfredo at Evelina Buenaflor, ang naaagnas at nangangamoy
nang mga bangkay ng dalawang biktima sa kusina ng kanilang bahay.
Pawang duguan at tadtad ng saksak ang mga biktima at lumolobo na ang mga bangkay nang matagpuan ang mga ito.
Kaagad na humingi ng tulong ang mag-asawa sa himpilan ng pulisya at nabatid na limang araw na silang walang balita at kontak sa mag-ina.
Ayon naman kay Ryan Mel Tungol, anak at kapatid ng dalawang biktima, huli niyang nakausap ang dalawa noong Agosto 16 sa pamamagitan ng video call, at wala na siyang naging balita matapos
ang huli nilang pag-uusap.
Nabatid sa mga kapitbahay, napansin nila na ilang araw nang hindi lumalabas ng bahay ang mga biktima.
Sa kasalukuyan ay blangko pa ang mga pulis sa kung ano ang motibo sa pagpatay sa dalawang biktima at sa pagkakakilanlan ng suspek na gumawa ng karumal-dumal na krimen.
Ang bangkay ng dalawang biktima ay dinala na sa Robia Funeral Service para isailalim sa awtopsiya. (ELOISA SILVERIO)
479
