“ITO na ang sukdulan ng agresyon.”
Ganito inilarawan ni House assistant majority leader Jay Khonghun ang presensya ng giant ship ng Chinese Coast Guard sa territorial water ng kanilang lalawigan sa Zambales na bahagi ng West Philippine Sea.
“Ang mga barkong ito ay simbolo ng pambu-bully na hindi natin dapat palampasin,” ayon pa sa mambabatas kasunod ng pagpasok ng pinakamalaking barko ng China sa Bajo de Masinloc na may bigat na 12,000-tons.
Sa ngayon ay sinusubaybayan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang galaw ng nasabing barko ng China na umiikot sa Bajo de Masinloc o mas kilala sa Scarborough Shoal na kabilang sa mga inaangkin ng China.
Ayon sa mambabatas, walang karapatan ang China na nasabing teritoryo na bahagi ng 200 nautical miles exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas na itinakda ng United National Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
“Ang mga ganitong aksyon ay hindi lang banta sa ating teritoryo, kundi pati na rin sa seguridad at kabuhayan ng ating mga kababayan na nakadepende sa ating karagatan,” paliwanag pa ng mambabatas.
Gayunpaman, hindi aniya magpakita ng takot ang mga Filipino ay kailangang ipakita sa buong mundo na kaya nating ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa ilalim ng nasabing international law.
Umapela rin ito sa PCG at maging sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na paigtingin ang presensya ng mga ito sa nasabing teritoryo at iginiit na kailangan maghain agad ng panibagong protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa China.
“Hindi tayo dapat tumigil sa pagsasabi ng ating mga hinaing. Kailangang paulit-ulit nating ipaalam sa international community ang ginagawa ng China. Kapag hindi tayo umalma dito, uulit-ulitin ito ng China. We should not normalize these illegal intrusions into our territory and EEZ,” ayon pa nito. (BERNARD TAGUINOD)
