INIHAYAG ng Philippine National Police na may tinututukan nang person of interest ang mga imbestigador sa pananaksak at pagpatay kay SEA Games gold medalist Mervin Guarte na kasapi rin ng Philippine Air Force.
Sa ipinarating na report ng Oriental Mindoro PNP sa punong himpilan ng Pambansang Pulisya sa Camp Crame sa Quezon City, sinasabing tuloy-tuloy ang ginagawa nilang pagbabantay sa mga aktibidad ng itinuturing nilang person of interest.
Magugunitang si Guarte ay pinaslang habang natutulog noong Martes ng madaling araw sa bahay ng kaibigan nitong barangay kagawad sa Calapan City, Oriental Mindoro, ayon sa ulat ng pulisya.
Ayon kay Calapan City Police chief, Lt. Col. Roden Fulache, may tao silang masusing binabantayan na hindi kasama ni Guarte sa kanilang drinking session, na sinasabing nagsimula ng Lunes ng hapon at natapos Martes ng madaling araw.
Si Guarte ay kasapi ng Philippine Air Force na nakatalaga sa San Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas, at naninirahan sa Barangay Malinao sa Naujan, Oriental Mindoro. (JESSE KABEL RUIZ)
47