Air assets nilarga AYUDA SA QUAKE VICTIMS PINABIBILISAN NI PBBM

(CHRISTIAN DALE)

UPANG matiyak na mabilis makararating sa mga apektadong residente ang tulong ng pamahalaan, agad ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gamitin ang air assets ng gobyerno kasunod na malakas na lindol nitong Miyerkoles.

Ang air assets ay isa sa mga pangunahing kailangan ng mga tinamaan ng lindol na labis na puminsala sa norte.

Sinabi ni Pangulong Marcos na kailangan ang mabilis na paghahatid ng suplay ng tubig at pagkain at maging ang tulong pinansiyal na dapat maibigay sa mga residenteng apektado.

Layon din ng Punong Ehekutibo na matiyak na ang mga nasa malalayong lugar na mahirap hatiran ng tulong ay maaabot sa pamamagitan ng air assets.

Kabilang sa direktiba ng Chief Executive partikular sa DPWH ay mabilis sanang mabuksan ang mga lansangan habang dapat din aniyang unahin sa pag-iinspeksyon ang mga ospital at health centers saka isunod ang government buildings at mga kabahayan.

Nanawagan din ang Pangulo sa national officials na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para maiwasan ang pagkukulang o pag-uulit ng mga kailangan tulong sa mga naapektuhan ng nangyaring kalamidad.

Kuryente at komunikasyon

Bukod dito, ipinag-utos ng Pangulo sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na iprayoridad ang pagpapanumbalik ng suplay ng kuryente at communication lines sa mga lugar na apektado ng magnitude 7.0 na lindol.

Sa isinagawang situation briefing sa Bangued town, Abra province, sinabi ng Pangulo na kailangan din agad maibalik ang suplay ng tubig.

“These are the critical parts to support the victims in the meantime, hanggang makabalik sila,” ayon sa Chief Executive.

Samantala, sinabi naman ni Senador Imee Marcos, kasama rin sa briefing, na dineploy ang solar water purifying units sa Ilocos region.

Ito ang nag-udyok sa Pangulo na agad ipag-utos ang pagbili ng mas maraming water purification units para sa Abra at iba pang lugar na apektado ng malakas na paglindol.

Huwebes ng umaga ay tumulak si Pangulong Marcos patungong Abra upang personal na makita ang lawak ng pinsala ng naganap na lindol.

147

Related posts

Leave a Comment