INATASAN ni Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang Anti-Kidnapping Group (AKG) na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa kaso ng anim na magkakaibigang dinukot kamakailan sa Laurel, Batangas.
Ayon kay Gen. Eleazar, dapat makabalik na sa kani-kanilang pamilya ang mga biktima at panagutin ang mga suspek.
Ito ay makaraang dumulog ang pamilya ng mga biktima kay Gen. Eleazar para sa ikalulutas ng kaso.
Matatandaang dinukot ang mga biktimang sina Mark Nelvin Caraan, Shane Despe, Carlo Fazon, Eugene Noora, Mar Christian Ore at Paulino Sebastian, pawang ng Dasmariñas City, Cavite, habang pauwi ang mga ito mula sa outing sa isang beach resort sa Batangas.
Hinarang umano ang sasakyan ng mga biktima ng mga suspek sa Tagaytay-Nasugbu Road at tinangay ang mga ito.
Gayunman, nakatakas umano ang dalawang babaeng kasama ng mga ito na siyang nagsumbong sa himpilan ng pulisya hinggil sa insidente.
“Sa ating mga kababayan na may impormasyon sa insidenteng ito, inaanyayahan ko kayo na makipagtulungan sa inyong kapulisan para sa mabilis na paglutas ng kasong ito,” panawagan ni Gen. Eleazar.
Inaalam pa ng pulisya ang posibleng motibo ng pagdukot sa mga biktima. (CYRILL QUILO)
270 