KUMAMBYO ang Eastern Police District (EPD) sa ginawa nitong pagpapakawala sa artistang si Jake Cuenca na una nang dinakip matapos takbuhan ang police service car na nabangga ng sasakyang kanyang minamaneho noong nakaraang Linggo ng gabi sa Mandaluyong City.
Nauwi lang sa regular filing ng kasong Disobedience at Reckless Imprudence Resulting in Damage to Properties na isinampa ng pulisya sa piskalya dahil lagpas na sa 12-hour prescribed period ang pagsasampa ng asunto laban sa aktor.
Ayon sa pulisya, Linggo ng gabi nang mabangga ni Cuenca ang sasakyan ng mga pulis na kagagaling pa lamang sa isang anti-drug operation sa Barangay Barangka sa Mandaluyong City. Subalit sa halip na bumaba at makipag-usap sa nasaging sasakyan, kumaripas umano ang aktor.
Ang habulan sa kahabaan ng Shaw Boulevard at nagtapos sa Pasig matapos makailang ulit na paputukan ng mga pulis ang gulong ng sasakyan ni Cuenca. Sa ginawang pamamaril ng pulisya, isang delivery rider ang nahagip ng ligaw na bala.
Kinabukasan, ni-release si Cuenca, bagay na ikinadismaya ng publiko.
Kaugnay nito, dispensa naman ang ipinaabot ni Philippine National Police (PNP) chief General Guillermo Eleazar sa mga kaanak ng biktima ng ligaw na bala. Inatasan din ng heneral ang pamunuan ng EPD na ilagay sa ilalim ng restrictive custody ang mga pulis na sangkot sa pamamaril na ikinasugat ng isang sibilyan. (KNOTS ALFORTE)
