CAVITE – Timbog ang isang hinihinalang akyat-bahay nang namukhaan sa footage ng closed circuit television (CCTV) makaraang pumasok sa isang bahay at tumangay ng cash at mga alahas sa bayan ng Magallanes sa lalawigan noong Martes ng madaling araw.
Nasa kustodiya na ng Magallanes Municipal Police Station (MPS) ang suspek na si alyas “Ariel” na nahaharap sa kasong robbery at paglabag sa Sec. 11 ng RA 9165 at 10591 in relation to Omnibus Election Code.
Ayon sa biktima, mahimbing siyang natutulog sa kanilang bahay sa Brgy. Tua, Magallanes, Cavite bandang alas-12:20 ng madaling araw nang makarinig siya ng kalabog sa kanilang kusina kaya bumangon siya at naaktuhan ang suspek na tangay ang kanilang mga alahas.
Sinigawan umano niya ang suspek na mabilis na tumakas at sumakay sa isang motorsiklo patungo sa direksyon ng Sitio Dalig ng nasabing barangay.
Agad na ipinaalam ng biktima ang insidente sa kanilang barangay at nakilala naman ang suspek dahil sa CCTV footage.
Sa isinagawang follow-up operation ay naaresto ang suspek at nakumpiska sa kanya ang P375 cash, P5,000 halaga ng mga alahas, ilang gramo ng umano’y shabu at kalibre .38 na baril na may limang bala.
(SIGFRED ADSUARA)
