INILAGAY sa mas mataas na antas ng alerto ang lahat ng daungan sa buong bansa bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga pasahero kaugnay ng nalalapit na Undas.
Ayon kay Philippine Coast Guard Commandant Vice Admiral Leopoldo Laroya, nasa heightened alert status na ang lahat ng kanilang operating units simula ngayong araw hanggang Nobyembre 3 ng kasalukuyang taon upang tiyakin ang seguridad ng mga pasaherong inaasahang uuwi para gunitain ang kanilang mga pumanaw na kaanak sa Araw ng Patay.
“I have directed concerned units to ensure maritime security and safety in our western and eastern seaboards, as well as inter-island routes. Our deployable response groups, with the PCG Auxiliary, are all-set for these operations,” aniya.
Maging ang mga bibiyahe para mag-relax sa mga local tourist destinations sa iba’t ibang panig ng kapuluan, bantay sarado rin, pagtitiyak ni Laroya.
“Coast Guard Districts conduct 24/7 operations to monitor nautical highways routes, especially in the Visayas where the majority of tourist destinations are now revamping local tourism,” pahayag ni Laroya.
Aniya, may mga nakatalaga nang maritime safety inspectors sa lahat ng port terminals, mga law enforcement teams sa mga piling lugar, maritime patrol teams na umiikot sa mga kritikal na bahagi ng karagatan at response groups na nakaantabay para sa emergency at search and rescue operations sakaling kailanganin.
Panawagan pa ng opisyal sa mga pasahero, maging mapagmatyag at alerto, kasabay ng pakiusap na sundin ang atas ng otoridad bilang pag-iingat. (RENE CRISOSTOMO)
339 