MULING binalaan ng Bureau of Immigration (BI) ang foreign nationals na nagtatangkang magsumite ng fake entry exemption documents sa iba’t ibang ports of entry.
Inilabas ang babala ni BI Commissioner Jaime Morente bunsod ng ilang foreign nationals na nagtangkang pumasok sa bansa sa pamamagitan ng pagpapakita ng entry exemption documents na kanilang kinuha mula sa Philippine posts abroad.
“Unscrupulous individuals may attempt to falsify such documents,” ani Morente. “We are warning you not to, as we will be able to easily verify the authenticity of such papers,” pahayag ni Morente.
Ang requirement, ayon sa BI, ay inimplementa bilang pagsunod sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) resolution na nagrerebisa sa travel restrictions para sa papasok na mga dayuhan.
Nauna rito, noong Oktubre 2020, ang BI ay nagpalabas ng parehong babala matapos makatanggap ng ulat na may alien seafarer na nagtangkang pumasok sa bansa gamit ang palsipikadong mga dokumento.
Dahil dito, naglabas noong Miyerkoles ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng ‘advisory warning’ sa publiko laban sa scams na may kaugnayan ng pag-iisyu ng entry exemption documents para sa foreign nationals.
Kaugnay nito, hinikayat ng DFA ang publiko na i-report ang ganitong mga insidente upang agad na maaksiyunan.
“Do not use falsified documents to enter the country. You may visit our website or send a message in our Facebook page should you need information about current travel restrictions,” pahayag ni Morente. (JOEL O. AMONGO)
