AMINADONG SALING-PUSA

AMINADONG SALING-PUSA

 

WALA na marahil mas gaganda pa sa isang lipunang demokratiko kung saan ang ­sentimyento ng nakararami ang higit na matimbang kaysa yaman, luho o kapritso ng iilan. Isang patunay ng pamamayani ng tinig ng mamamayan ay ang halalan.

Subalit sa pagkagahaman ng mga hayok sa kapangyarihan, sukdulang gawing kenkoy ang dapat sana’y sagradong proseso sa pagpili ng liderato.

Bakit nga ba hindi makekenkoy ang halalan kung ang mismong kandidato ay aminadong inobliga lamang ng kanyang panginoon para maghain ng kandidatura sa hangaring maglaan ng pwesto para sa anak na hindi naman yata desidido.

‘Yan mismo ang kwento ng isang payasong ginantimpalaan ng isang pwesto sa Senado.

Kamakailan lamang, naglabasan ang larawan ng payasong dumalaw ang anak ng kanyang amo. Ayon pa sa kwento, hindi suporta ang pakay ng pagdalaw kundi para paalalahanan ang bruskong anak ng Pangulo sa nalalapit na deadline na itinakda ng Commission on Elections (Comelec) para sa mga hahalili sa inireserbang pwesto.

Hindi kailangang maging henyo para mabasa ang galawang manloloko. Ang naghain ng ­kandidatura ‘di naman pala talaga seryoso sa kanyang nilagdaang dokumento. Ano pa ba ang kailangang patunay na isang panggulo lamang siya sa halalan nang sa gayon ang Comelec ay kumilos naman.

Sa pag-amin pa lang niyang siya’y napag-utusan lamang maghain ng kandidatura, malinaw namang isa lang siyang nuisance candidate, na dapat malaglag sa mahabang talaan ng mga nangangarap maging pangulo.

Sa gitna ng teleseryeng moro-moro, may mga umepal pang politiko. Anila, kailangan ng batas kontra mga panggulo at amyenda sa probisyon ng mga paghalili sa mga biglang ayaw nang tumakbo.

Hindi tulad ng mga teleseryeng kapana-panabik, itong mga eksena sa pulitika ay sadyang nakagagalit.

Dangan naman kasi, ang halalang sagrado, sa isang iglap ay pinagmukha nilang entablado.Sa tala mismo ng Comelec, 97 ang naghain ng kandidatura para sa pagkapangulo.

Marami naman sa kanila ay seryoso pero walang kakayahan pagdating sa pondo. May mga titulado, henyo at sinsero.

Mayroon din namang nagpapapansin lang sa publiko sa hangaring sumikat kahit man lamang ilang minuto.

Hindi rin mawawala ang mga dorobong matuloy man o hindi ang pagtakbo, tiyak namang nakalikom na ng pondo.

3456

Related posts

Leave a Comment