SA nalalapit na pagbaba sa pwesto ni Philippine National Police (PNP) chief, Director-General Guillermo Eleazar, limang matitikas na heneral ang nasa talaan ng mga nominado para sa susunod na lider ng pambansang pulisya.
Kung tutuusin, hindi madali ang maging hepe ng pambansang pulisya. Tunay na prestihiyoso ang pwesto subalit hindi biro ang hamon ng trabaho – ang mapatino ang daan libong unipormadong sumumpang magsilbi ang protektahan ang mga tao.
Sa kabila ng mabigat na responsibilidad na kalakip ng pwesto, marami pa rin ang naghahangad na maitalaga ng Pangulo. Bakit nga ba, tanong ng mamamayang Pilipino?
Kamakailan lamang, muling lumabas ang tunay na kulay ng ilan sa mga nominado. Pukulan ng putik, fake news at pangako sakaling maupo sa pwesto, ilan lang ‘yan sa mga punto ng kompromiso.
Ang estilo ng mga atat pumalit sa pwesto, sikuhan, bungguan, siraan at iba pang maruming kalakaran. Ang diskarte ng mga pulitiko sa tuwing nalalapit ang eleksyon, kinopya na rin ng mga ambisyosong heneral na gustong makasilat sa posisyon.
Bakit nga naman hindi mamumuhunan para pangarap ay makamtan kung sadyang biglang yaman naman sa sandaling asam na pwesto ay matsambahan.
Bukod sa tikas at kapangyarihan, ‘di naman kaila ang kalakaran sa hanay ng kapulisan.
Aminin man nila o hindi, habol nila ang bigtime na ganansya mula sa mga sindikatong hanap ay proteksyon mula sa mga koneksyon para sa isang walang aberyang operasyon.
Saan nga ba pinakamalaki ang pakinabang ng isang hepe ng pulisya? Saan pa kundi sa mga payolang mula sa mga pasugalan!
Sa buwanang jueteng payola pa lang, siento por siento instant yaman.
Marami pang ibang pinanggalingan ang pakinabang – droga, areglo sa asunto, mga kontrata sa gobyerno kung saan higit na kailangan ang lagda ng hepeng nakaupo.
Kaya naman hindi nakapagtatakang mamuhunan ang mga nominado – sukdulang marumi ang pamamaraan sa ngalan ng pagyaman.
498 