COVID-19 QUARANTINE FACILITIES SA MAYNILA, 0% NA – DOH

BAKANTE na ang mga COVID-19 quarantine facilities sa lungsod ng Maynila habang patuloy ang pagbaba ng mga kaso nito sa buong bansa.

Base sa ulat nitong Linggo ng Manila Health Department (MHD), 0% o wala nang laman ang 883 kama ng 14 COVID Quarantine Facilities.

Nakatayo ang mga pasilidad na ito sa Delpan, Araullo, Patricia, T. Paez, San Andres, PLM, Dapitan, MLQu, Tondo Sports (Dialysis), P. Gomez, Arellano, Bacood, Del Pilar (Pregnant) at Dormitels.

Bakante o 0% na rin ang nag-iisang COVID suspect cases quarantine facility sa Tondo High School na may 40 kama.

Samantala, nasa 116 sa 501 na COVID beds na lamang o 23% ang okupado ng mga pasyente sa anim na district hospitals na kinabibilangan ng Ospital ng Maynila, Ospital ng Sampaloc, Justice Jose Abad Santos General Hospital, Gat Andres Bonifacio Hospital, Ospital ng Tondo, at Sta. Ana Hospital.

Sa itinayong COVID-19 Field Hospitals, nasa 48 sa 344 higaan o 14% na lamang ang okupado ng mga pasyenteng may COVID.

Naitala na lamang sa 324 ang mga aktibong kaso sa Maynila na may kabuuang kaso na 89,756.

Sa naturang bilang, 87,738 ang nakarekober sa sakit at nasa 1,694 ang namatay. (RENE CRISOSTOMO)

376

Related posts

Leave a Comment