LIMANG kasapi ng komunistang New People’s Army (NPA), kabilang ang anak ni Gregorio “Ka Roger” Rosal, dating tagapagsalita ng CPP-NPA at pinuno ng Melito Glor Command, ang napatay ng mga elemento ng Joint Task Group South at Marine Battalion Landing Team 4, na nasa ilalim ng Western Command, sa Brgy. Mainit, Brookes Point, Palawan nitong Huwebes ng umaga. Kinumpirma ni Brig Gen. Nestor Herico, commander, 3rd Marine Brigade, alas-6:00 ng umaga, nakasagupa ng kanyang mga tauhan ang 20 miyembro ng teroristang grupo ng NPA sa Brgy. Mainit, Brookes Point.
Ang nangyaring sagupaan ay bunga nang maigting na ipinatutupad na focused military and security operation ng mga tropa ng pamahalaan sa probinsya upang mapaigting ang seguridad ng Palawan.
Ayon kay Brig. Gen. Nestor Herico, naka-engkwentro ng grupo ng Force Reconnaissance group ng NPA, na pinamumunuan ng isang Bonifacio Magramo, secretary ng CPP-NPA Regional Military Unit ng Southern Tagalog Regional Party Committee. na nagresulta sa pagkamatay ng apat sa mga miyembro nito.
Bukod kay Magramo, napatay rin sina alyas “Boywan,” alyas “Celnon,” alyas “Naya” o Andrea Rosal, anak ni Ka Roger, alyas Pandan at alyas “Jay-R.”
Inihayag naman ni Col. Stephen Penetrante, spokesman, AFP Western Command, may isang tauhan ng Philippine Marines ang napatay nang tangkain nitong habulin ang iba pang tumatakas na mga NPA.
Sa isinagawang clearing operation, ilang mataas na kalibre ng baril ang nabawi. May nakuha ring laptops, cellphones, hard drive at subversive documents.
Sinasabing tiniktikan ng military intelligence ang galaw ng mga rebelde matapos makatanggap ng sumbong sa ilang residente hinggil sa ginagawang pag-oorganisa at pangangalap ng tao ng mga komunistang rebelde sa Brookes point.
Nang beripikahin ang intel report hinggil sa pagpupulong sa gitna ng kabundukan ay napasabak agad ang Force Reconnaissance group ng Philippine Marines. Nabatid na si Andrea ay tumatayong deputy secretary ng Partido, na nagtago sa Palawan matapos itong mahuli sa Batangas at pinalaya ‘for humanitarian reason’ dahil buntis. (JESSE KABEL)
