BISTADOR ni RUDY SIM
SA mundong ito, may mga taong makakapal ang mukha, at mayroon namang mga taong next level ang kakapalan.
Medyo beterano na din tayo sa mga galawan sa Pilipinas, at sanay na ako sa mga palusot ng mga politiko. Pero ang nangyayari ngayon sa Albay? Ibang klase itong “legal acrobatics” na ito. Isipin ninyo: Mayroon nang hatol na dismissal ang Ombudsman noong 2024 laban kay Governor Noel Rosal. Hindi suspensyon, hindi reprimand, kundi sibak sa pwesto. Pero heto siya, nakaupo pa rin bilang gobernador, na tila ba ang batas ay isa lamang “friendly suggestion” na pwedeng i-seen zone.
Balikan natin ang pundasyon. Sa ilalim ng ating Saligang Batas at ng Local Government Code, ang utos ng Ombudsman ay “immediately executory”. Hindi ito parang food delivery order na pwedeng “cancel” o “delay” dahil lang nag-file ka ng motion. Kapag sinabing sibak, dapat ay nasa labas ka na ng gate bago pa matuyo ang tinta sa dokumento.
Ngayon, itong Certificate of Candidacy (COC) ni Rosal para sa 2025? Isang malaking sampal sa integridad ng halalan. Paano ka susumpa na ikaw ay “eligible” gayung may nakasabit na parusang nag-aalis sa iyo sa serbisyo habambuhay? Iyan ang tinatawag nating material misrepresentation. Parang nag-apply ka bilang driver pero wala kang lisensya, tapos sasabihin mo, “Hayaan niyo na, marami naman ang gustong ako ang mag-drive.”
Ngunit hindi lang si Rosal ang bida sa teleseryeng ito. Nasaan ang DILG? Nasaan ang Provincial Board? Ang kanilang katahimikan ay tila ba basbas para sa isang “legal squatter.” Ang pagpapahintulot na manatili ang isang taong diskwalipikado na ay pag-atake sa Rule of Law. Pinatutunayan ninyo sa publiko na basta sikat ka o marami kang boto, pwede mong gawing basahan ang mga alituntunin ng bansa.
Huwag nating hayaang malason ang isipan ng mga botante na ang “will of the people” ay pwedeng pumatong sa “Rule of Law.” Ang demokrasya ay hindi lang paramihan ng boto; ito ay paggalang sa mga institusyon. Kung ang bawat nasisibak ay mananatili sa pwesto dahil lang sa “pending appeal,” eh ‘di buwagin na lang natin ang Ombudsman para makatipid ang taumbayan.
Albay, gising. Ang inyong Kapitolyo ay hindi dapat ginagawang kuta ng mga taong ayaw kumilala sa batas. Oras na para ilabas ang padlock at ibalik ang dangal sa inyong lalawigan. Itigil na ang drama; harapin ang hustisya.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
3
