ANG MASALIMUOT NA USAPIN SA BIGAS

Psychtalk

(Ikalawang bahagi)

“Magtanim ay ‘di biro, maghapong nakayuko. ‘Di naman makatayo, ‘di naman makaupo…”  Paunang linya ‘yan sa mga unang kantang itinuro sa amin noong ako’y nag-aaral sa mababang paaralan sa isang probinsya sa Norte.

Para sa isang bata gaya ko noon, hindi ko gaanong mawari ang ibig sabihin ng kanta tungkol sa pagiging mahirap ng gawaing pagtatanim ng palay. Dahil ‘di ko naman direktang naranasan ito, bagkus ay nanonood lang ako sa mga may edad  na babae sa pagbubunot ng mga punla (bunobon sa aming dialect) at mga lalaki naman, sa isa-isang pagtutusok ng mga punla sa basang lupa ng bukid.

Para sa aking walang muwang pa ang isip noon, masa¬yang tanawin ang pagtatanim — naaaliw ako sa ritmo ng mga magsasakang sabay-sabay  sa pagyuko at pagkilos ng kamay. Minsan, pabilisan pa sila bilang pagpapataas marahil ng motibasyon. Masaya rin silang tingnan habang sabay-sabay na nanananghalian at nagmemeryenda. May mga biruan, tawanan, kantiyawan, o tugtugan ng gitara at awitan—pangtanggal-pagod marahil.

Ito ay noong mas simple pa ang buhay – ‘di pa gaanong komersiyalisado ang mga bagay-bagay at ramdam pa ang bayanihan. Oo, naabutan ko pa ang panahong ang pagtatanim ng palay ay pagkakataon para maramdaman ang ba¬yanihan sa mga kanayunan. Kailangang makipagkaisa ang isang pamilya sa iba pang pamilya; makipagtulungan, kung hindi, wala ring tutulong sa iyo.

‘Yan naman yata ang orihinal na diwa ng kultura ng pagsasaka — mas komunal o kolektibo. Kailangan ang pagtutulungan. Pagkaani, pwedeng ibenta ang sobra, pero itatabi na ang para sa konsumo ng pamilya para sa buong taon. ‘Yung mga kapos, pwedeng umutang sa may sobra, at ibabalik ito sa pamamagitan ng pagtulong sa susunod na pagtatanim.

Hanggang dumating ang maraming pagbabago. Dumami ang tao, dumating ang mga konsepto ng pag-unlad, teknolohiya, at kalakalan na mas malawak. Narinig natin ang mga salitang globalisasyon, importasyon, eksportasyon. At sa ayaw at sa gusto natin bilang isang maliit na bansa, kinailangan nating maging bahagi ng mga iba’t ibang samahan sa mundo para raw makasabay sa daloy ng pag-unlad.

At mula noon, ‘di na ganun kasimple ang pagtatanim at pag-aani ng palay. ‘Di na ganun kadaling bumili o kumain  ng bigas lalo na  para sa mga naghihikahos na Juan at Juana Dela Cruz. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

445

Related posts

Leave a Comment