GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
BIGLA na namang uminit ang social media dahil sa isyu ng pagtakbo sa UP habang may UPCAT. Ang daming nag-react. May mga nagalit. May mga nagtanggol. Pero ang tanong: bawal ba talagang tumakbo habang may entrance exam?
Simple lang ang sagot. Oo, bawal muna. Dahil may mas mahalagang nangyayari. Hindi lang ito simpleng event. UPCAT ito. Libo-libong estudyante ang nakataya ang kinabukasan. May mga galing pa sa malalayong probinsya. May mga unang beses palang makapapasok sa UP. At sa araw na iyon, gusto lang nilang makapag-exam nang tahimik at walang istorbo.
Ang UP ay isang unibersidad. Hindi ito sports complex. Hindi ito public park. Oo, bukas ito sa lahat. Oo, welcome ang mga jogger, biker, at kung sino-sino pa. Pero kapag may official activity ang unibersidad, iyon ang dapat masunod. Kasi ito ang tahanan ng edukasyon. At ang UPCAT, parte ng misyon nito.
Nakatutuwa naman talaga ang tanawin sa UP. Maaliwalas. Malawak. Maberde. Kaya maraming gustong tumambay at mag-jogging doon. Naiintindihan ko. Pero minsan, kailangan din natin intindihin kung kailan tayo dapat magbigay-daan. Hindi pwedeng dahil sanay tayong nandun, akala natin entitled na tayo sa lugar.
May mga nagsabi, bakit hindi na lang ikandado ang oval kung ayaw pala nila ng joggers? Bakit hindi ginawang private event ang UPCAT? Ang sagot: hindi kailangang gawing eksklusibo ang isang bagay para lang igalang ito. May mga simpleng paalala. May signage na nakalagay. Ang advisory ay nai-post nang maaga upang ang lahat ay makapagplano nang maaga. Sana sapat na iyon para umintindi tayo. Hindi na kailangang ipaliwanag sa bawat isa ang common sense.
Pero ito rin ang pagkakataon para pag-usapan ang mas malalim na problema. Bakit nga ba UP pa ang takbuhan ng marami? Bakit kulang sa public parks? Bakit sa halip na may sariling espasyo ang mga jogger sa lungsod, sa loob pa ng isang eskwelahan sila nag-eehersisyo?
Marami ang nagtuturo sa mga jogger na makikitid ang isip. Pero dapat din nating tanungin: nasaan ang lungsod sa usapang ito? May sapat bang open spaces? Ligtas bang tumakbo sa kalsada? O kaya ang UP lang talaga ang natitirang lugar na maayos ang hangin at may lilim ng mga puno?
Dito papasok ang papel ng mga lider ng siyudad. Hindi sapat ang sementadong kalsada. Hindi sapat ang malls. Kailangan natin ng open spaces para sa lahat. Lalo na sa mga taong walang sariling gym o bakuran. Hindi dapat UP lang ang may ganitong klaseng lugar.
Totoo, kailangang unahin ang edukasyon sa loob ng UP. Pero hindi rin dapat palaging UP ang sasalo ng kulang sa urban planning. Hindi naman trabaho ng unibersidad na punan ang pagkukulang ng siyudad pagdating sa public health, outdoor spaces, at physical activity.
Lahat tayo ay may responsibilidad. Ang mga jogger, dapat marunong magbigay. Ang unibersidad, dapat malinaw ang patakaran. At ang mga opisyal, dapat seryosohin ang pangangailangan ng mamamayan sa malinis at maaliwalas na espasyo.
Hindi ito away ng jogger at estudyante. Isa itong paalala na kulang pa rin ang ating mga lungsod sa tamang espasyo para sa lahat. At kahit gaano kaganda ang oval sa UP, hindi ito solusyon sa problema ng isang buong lipunan na kulang sa pagpaplano at malasakit.
