AT YOUR SERVICE Ni Ka Francis
WALANG madali, lahat ay pinaghihirapan kung gusto nating umunlad o yumaman.
Madalas sinasabi kapag ang tao ay umangat ay nagiging madamot siya sa kanyang mga kamag-anak.
Sa ganang akin, lahat ng umuunlad o yumaman ay dumaan yan sa matitinding pagsubok.
Bukod sa perang puhunan, kasama niyan ay dugo at pawis natin.
Hindi ka rin mananalo, kung hindi ka tataya. Ibig sabihin kung ayaw mong magsakripisyo at dumaan sa matitinding pagsubok ay hindi mo maaabot ang tagumpay sa buhay.
Pinakamahalaga sa lahat ay ang disiplina, kung gusto natin umunlad o yumaman ay magnegosyo tayo.
Bago tayo magkaroon ng negosyo, kailangan natin ng puhunan kaya dapat mag-ipon tayo.
Habang nagtatrabaho tayo kailangan natin magtabi ng pera para makaipon at magkaroon ng puhunan para makapagnegosyo.
Bihira sa mga nagtatrabaho ay umuunlad o yumayaman dahil kahit anong sipag natin sa pagtatrabaho ay mananatili ang kita natin kung magkano ang ating tinatanggap na buwanang sweldo.
Kahit na abutin tayo ng 20 taon na pagtatrabaho ay hindi tayo yayaman, magtaas man ang sweldo natin kakarampot lamang.
Kahit anong sipag din natin sa ating trabaho ay mananatili ang ating sweldo at hindi ito tataas dahil nakadepende ito sa minimum wage na itinakda ng batas.
Sa kasalukuyan ang minimum wage ay P610 kada araw, sa isang buwan ay umaabot lamang ng P18,300, paano tayo yayaman sa ganyang kita sa loob ng isang buwan?
Kung kada buwan ay magtabi tayo ng 2k mula sa ating sweldo sa loob ng dalawang taon ay makakaipon tayo ng 48k.
Ang halagang ito ay maaari na nating ipuhunan sa mallit na negosyo.
Kung talagang disiplinado tayo, ang halagang ito ay mapapalago natin hanggang sa tuluyan nang lumaki ang ating negosyo.
Malaki ang kaibahan ng sariling negosyo kung ikukumpara natin sa pangangamuhan o pagtatrabaho natin sa iba.
Sa loob ng dalawang taon kung tayo ay disiplinado at masipag sa sarili nating negosyo ay makikita natin ang positibong resulta.
Lalo na kung umabot ang ating negosyo ng limang taon (5), dito na nagsisimulang pumasok ang mga oportunidad, may mga nag-aalok nang magpautang ng puhunan para sa karagdagang pondo ng ating negosyo.
Kung ang sipag natin sa dati nating pinagtatrabahuan ay iaapply natin sa sarili nating negosyo siguradong aasenso tayo.
Sa trabaho, hindi rin tayo bibigyan ng increase sa sweldo kung hindi tayo kakikitaan ng sipag ng ating pinaglilingkurang kumpanya.
Sa negosyo, kailangan natin ng puhunan, disiplina sa sarili, kaalaman, sakripisyo, lakas ng loob, diskarte, sipag at tiyaga.
Sa negosyo, kung kikita tayo ng P5, dapat ang gagastusin natin ay mas mababa sa kinikita natin. Kapag lumagpas kasi ang gastos natin sa ating kinikita siguradong bagsak ang ating negosyo.
Wala rin limit ang kikitain natin sa pagnenegosyo dahil nakasalalay ito sa pagiging malakas ng ating negosyo.
Sa isang negosyante ay kailangan natin ng pakikisama sa ating mga ka-transaksyon at sa mga tumatangkilik ng ating mga produkto.
Kaya hindi nakakapagtaka kung bakit ang mga negosyante ay mahigpit pagdating sa pera dahil bago nila naabot ang pagkakaroon ng kayamanan ay sobrang paghihirap ang kanilang pinagdaanan.
oOo
Binabati ko ang mga kapatid sa Iglesia Ni Cristo (INC) na nagmula pa sa iba’t ibang panig ng bansa para sa tagubilin ng pamamahala sa mapayapang pakikiisa sa isinagawang peace rally kahapon. Na isa na layunin ay magkaisa at magtulungan para sa bansa.
oOo
Para sa inyong katanungan maaari po kayong tumawag o magtext sa cel# 0917-861-0106.
