GUN BAN NAGSIMULA NA, ABUSADONG POLICE COL. KINASUHAN

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NAGSIMULA nang ipatupad noong Linggo, Enero 12, ang gun ban sa buong bansa dahil sa nalalapit na 2025 Midterm Elections sa Mayo 12.

Dahil sa nationwide gun ban ay agad na naglatag ng checkpoints ang mga kagawad ng pulisya sa buong kapuluan.

Naging epektibo ang gun ban at pagpapatupad ng checkpoints na sinimulan noong Enero 12 hanggang Hunyo 11, 2025, ito ay bahagi ng election period sa 2025 Midterm Elections.

Bagamat isang araw pa lang ipinatupad ang gun ban ay apat katao na ang nahuli na may kaugnayan sa gun ban sa inilatag na checkpoints.

Mismong si PNP chief General Rommel Francisco Marbil ang nagsabi na may mga nahuli sa checkpoints.

Nasa isang libong checkpoints ang inilatag ng PNP sa buong bansa sa pagsisimula ng gun ban noong nakaraang Linggo.

Layunin ng checkpoints na ito ay upang maiwasan ang election related violence sa buong bansa.

May paglilinaw naman si Commission on Election (Comelec) Chairman George Garcia sa mga kagawad ng pulisya, na hindi kailangang buksan ang mga sasakyan sa kanilang ipatutupad na checkpoints, ito ang tinatawag na ‘plain view doctrine’ o ‘yung nakikita lamang sa mata sa labas ng sasakyan.

Hindi rin kailangang buksan ng motorista ang kanilang compartment, trunk o bag maliban kung may malinaw na rason na naaayon sa batas.

Nakiusap din Garcia sa publiko o motorista na makipagtulungan sa mga awtoridad na nagpapatupad ng checkpoints.

Bukod sa PNP, kasama rin ng Comelec sa pangangalaga ng kapayapaan sa darating na 2025 Midterm Elections, ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 11067, isinasagawa ang checkpoint operations sa buong bansa upang tiyakin ang kapayapaan, kaayusan, at seguridad sa panahon ng eleksyon.

Sana nga maging matahimik ang darating na eleksyon, tutal isang araw lang naman natin gagawin ang halalan, pagkatapos n’yan dapat ay balik na tayo sa normal nating mga gawain.

Kadalasan mas mainit pa ang mga supporter kaysa mga politiko, sila mismo ang pinagsisimulan ng kaguluhan.

Sa mga politiko naman, dapat makontrol n’yo ang inyong mga tao upang hindi sila magpasimula ng gulo.

Kung pagbabawalan ng mga politiko ang kanilang mga tao sa pagsisimula ng kaguluhan, palagay natin walang mangyayaring krimen sa darating na halalan.

Sa mga politiko nakasalalay ang katahimikan ng ating bansa sa isasagawang eleksyon.

oOo

Marami ang nagdarasal na mabigyan ng leksyon ang isang Police Colonel na dating hepe ng Personnel and Records Management Division (DPRMD) ng Quezon City Police District (QCPD) at dating Station Commander ng Galas Police Station (PS-11).

Ang opisyal na ito ay kinasuhan sa Office of the Ombudsman dahil sa ‘dishonesty, oppression, misconduct, and neglect in the performance of duties.’

Ang kaso sa Office of the Ombudsman ng Police Colonel na ito ay inendorso na rin sa Civil Service Commission (CSC), at marami ang umaasang maturuan ng leksyon ang mamang ito. Minsan kasi ‘pag nakalulusot ang tao ay lalong lumalala ang kalupitan nito sa kapwa.

Sa pinakahuling impormasyon natin, ang Police Colonel na ito ay lumipat lang sa Manila Police District (MPD) para magpalamig, ayos ka Boy, sa tingin mo hindi makalkal ang baho mo! Walang baho na hindi sumisingaw. Abangan!

oOo

Para sa sumbong at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

64

Related posts

Leave a Comment