DPA ni BERNARD TAGUINOD
NAPAKASUWERTE ng mga corrupt sa Pilipinas dahil mahaba ang pasensya ng mga Pilipino at hindi gumagamit ng dahas tulad ng ginagawa ngayon ng mga Indonesian sa kanilang mga politikong corrupt.
Pero ‘wag sanang abusuhin ng mga politiko, career service officers ng Department of Public Works ang Highways (DPWH) at iba pang ahensya ng gobyerno dahil may kasabihan na “may hangganan ang lahat”.
Naging marahas ang Indonesians dahil hindi nila matanggap ang housing allowances ng mga miyembro ng kanilang parliament na sampung beses ang taas kumpara sa minimum wage sa kanilang bansa.
Pinapasok ng mga raliyista ang bahay ng kanilang mambabatas para ipatikim ang kanilang galit pero rito sa ating bansa, hanggang salita at pang-aasar lang ang ginagawa ng mga Pilipino kaya ang swerte ng mga corrupt na politiko natin.
Pero sa ating bansa, ang pinakamataas na minimum wage sa Metro Manila ay P695 kada araw o P18, 070 kada buwan kung anim na araw ang trabaho kada linggo, pero alam niyo ba kung magkano ang sahod ng isang ordinaryong congressman at senador? P390,000 lang naman o P13,000 kada araw, mantakin niyo’yan!
Kinuwenta ko ‘yan sa 30 araw kada buwan pero ang sesyon lang nila ay 3 beses kada linggo o 12 beses kada buwan at marami sa kanila ang hindi pumapasok habang ang iba naman ay nagbubutas lang ng bangko sa session hall o nagpapa-check attendance lang.
Ang mga district engineer naman ng DPWH ay Salary Grade 19 hanggang 25 ang kanilang sahod o katumbas ng P53,000 hanggang P107,000 ang sahod kada buwan pero karamihan sa kanila ay marangya ang pamumuhay kaya alam mong nagnanakaw sila.
Ilang taon na ang nakararaan ay nagpakita rin ng pangil ang Malaysian authorities at kinumpiska ang mamahaling alahas at bag at sandamakmak na pera ng kanilang dating Prime Minister at asawa nito na inaakusahan ng katiwalian.
Pero rito sa ating bansa, ang daming due process ang pinagdadaanan muna at ang bagal kumilos ang mga prosecutor natin kaya karaniwan wala nang makukumpiska sa mga tiwaling opisyal at ang masaklap sa lahat, hindi sila nakakasuhan hanggang sa magkalimutan na lang.
Ang dami na ring batas para habulin ang mga pribadong mamamayan na nagnanakaw rin sa gobyerno, kasabwat siyempre ang corrupt officials o kaya dinadaya ang gobyerno sa pamamagitan ng hindi pagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng smuggling pero wala pang nakakasuhan. May ebidensya na silang hawak pero walang nakakasuhan. Kalokohan ‘di ba?
Kaya masasabi kong napakasuwerte ng corrupt public officials, hindi lamang ang elected officials kundi gayundin ang career officials na tila naperpek na nila ang galawang mafia sa pamahalaan dahil ang haba ng pasensya sa kanila ng mga Pinoy.
Hindi ko inuudyukan ang kapwa ko Pilipino na gayahin ang Indonesians at magkaisa na para singilin ang mga taong naging dahilan ng paghihirap ng ating bansa pero ang pakiusap ko naman sa mga buwaya, huwag n’yong ubusin ang pasensya ng mga tao!
