GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
NOON, normal lang ang may makapal na pitaka na puno ng pera at barya. Ngayon, parang kulang ang araw kapag naiwan ko ang cellphone. Dahil dito ko na rin dala ang pera ko. Mula sa milk tea hanggang bayarin sa kuryente, halos lahat pwedeng bayaran gamit ang e-wallet. Pero handa na ba talaga tayong mabuhay nang walang cash?
Malaking ginhawa ang dala ng e-wallet. Isang pindot lang sa cellphone, bayad na ang grocery, bills, o pamasahe. Hindi na kailangang pumila at hindi na rin problema ang sukli. Para bang may bangko ka na laging kasama sa bulsa.
Pero hindi lahat ay kampante. Ang nanay ko, cash pa rin ang gusto. Mas panatag siya kapag nakikita at nahahawakan ang pera. Para sa kanya, mas sigurado ang cash kaysa pera sa app. Marami ring tao ang ganoon ang pananaw.
May aberya rin paminsan-minsan. Minsan hindi gumagana ang GCash at hindi makapag-log in ang mga tao. May mga reklamo sa social media kapag bumabagsak ang system. Kahit sinasabi ng kumpanya na ligtas ang pera, nakaiinis pa rin kapag hindi magamit ang app. Bukod pa rito, may mga scam at pekeng link na nambibiktima ng users. Kaya hindi nakapagtataka kung bakit maraming tao ang mas pipili pa rin ng cash.
May mga bagong paraan na rin ngayon. Sa MRT at LRT, puwede nang gumamit ng e-wallet para magbayad ng pamasahe. Mabilis at maginhawa ito. Pero paano naman ang mga walang smartphone o internet? Baka mas mapag-iwanan pa sila.
Isa pang bagay na hindi dapat kalimutan ay ang usapin ng tiwala. Kapag nagbabayad ka gamit ang cash, alam mong tapos na ang transaksyon. Pero sa digital, may kaba na baka hindi pumasok ang bayad o kaya may error sa system. Kahit maliit na halaga lang, kapag hindi nakita agad sa app, para kang mawawalan ng tulog. Ang tiwala ay hindi basta-basta nabubuo, at dito madalas nagdadalawang-isip ang mga tao.
Bukod dito, may usapin din ng pagkakapantay-pantay. Hindi lahat ay may kakayahang bumili ng smartphone o may pambili ng load para sa internet. Para sa iba, ang cash ang tanging paraan para makasabay sa araw-araw. Kapag masyadong mabilis ang lipat sa digital, baka mas lalo lang lumaki ang agwat sa pagitan ng mga may kaya at mga wala. Ang tunay na cashless society ay dapat may kasamang pagsiguro na walang maiiwan.
Iba naman ang kabataan. Sanay na silang gumamit ng cellphone para magbayad. Para kasing ang dali lang ng pagtetext at paggamit ng e-wallet. Nakabibili sila online, nakapagbabayad ng school fees, at nakapagpapadala ng pera nang hindi gumagamit ng cash.
Pati maliliit na mga tindero ay nakikinabang. May nagtitinda ng street food na nagkuwento sa akin na mas dumami ang bumibili nang nagsimula siyang tumanggap ng e-wallet. Hindi na raw uso ang pautang, at mas madali niyang nakikita ang kita sa isang araw.
Pero paano kung biglang mawalan ng signal o ayaw gumana ng app? Nakatayo ka sa counter, hawak ang cellphone, pero hindi ka makabayad. Doon mo mararamdaman na parang superhero ang gusot-gusot na perang papel sa bulsa.
Baka dumating ang panahon na ang cash ay makikita na lang sa museo. Pero sa ngayon, ito pa rin ang nagbibigay ng kapanatagan. Maganda ang digital na paraan, pero ang cash ay hindi kailanman hihingi ng internet bago mo magamit.
