PARA sa isang bansang mabilis na sumisikip sa patuloy na pagtaas ng populasyon, higit na angkop ang isang pabahay na kayang kumupkop sa mas maraming pamilya gamit ang limitadong espasyo – tulad ng proyektong inumpisahan sa ilalim ng administrasyon ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos.
Subalit dahil sa pulitika, pinili ng nakalipas na mga administrasyong tabunan ang makabuluhang programang pabahay sa hangaring ibaon sa limot ang pamilyang minahal ng masang Pilipino.
Gayunpaman, sa napipintong pag-upo sa pwesto sa Palasyo ng kaisa-isang anak na lalaki ng yumaong Pangulo, umaasa ang milyon-milyong pamilyang walang sariling tahanan sa proyektong Bagong Lipunan Improvement of Sites and Services (BLISS) project para tugunan ang tumataas na backlog sa pabahay ng bansa.
Ayon mismo kay dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., higit na kailangang bigyan ng disenteng bahay ang mabilis na dumaraming bilang ng pamilyang Pilipino sa bansa.
Patunay nito ang nagkalat sa squatter colonies sa tinatawag na “danger zones” tulad ng tabing ilog, ilalim ng mga tulay, sa mga peligrosong bangin at yaong pasok sa permanent danger zones ng mga aktibong bulkan.
Taong 1984 nang inumpisahang ipamahagi ng matandang Marcos ang dokumentong patunay na iginawad sa 25,000 pamilya sa Quezon City ang pabahay kung saan nabuo ang isang maunlad na pamayanan magpahanggang ngayon.
Ang proyekto ng BLISS ay bahagi ng Land for the Landless Program sa Metro Manila na sinimulan ng matandang Marcos noong 1981 upang maisakatuparan ang pangarap ng mga maralitang tagalungsod na magkaroon ng kanilang lupain at sariling tahanan.
Ang matagumpay na programa ay nasa ilalim ng pangangasiwa ni dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos, na siya ring Ministro ng Human Settlements.
Ayon sa pagtatantiya ng gobyerno, aabot sa 6.8 million units ang kabuuang kakulangan sa housing units ng bansa sa pagtatapos ng 2022 at, kung hindi mareresolba, aabot sa 22 million units pagsapit ng 2040.
Sa datos ng pamahalaan, pumalo na sa anim na milyong pamilya ang pasok sa kategorya ng squatter. Hindi pa kasama ang bilang ng mga pamilyang nangungupahan, nakikitira at nagkalat sa lansangan.
Ang usaping pabahay para sa mga totoong walang bahay ang isa sa mga dapat iprayoridad ng susunod na Pangulo.
Subalit bago pa man magawa ng susunod na Pangulo ang isang komprehensibong pabahay higit na kailangang amyendahan ang batas para tiyaking walang magiging balakid sa implementasyon ng nasabing proyekto.
Bukod sa batas, dapat din rebisahin at bumalangkas ng mga polisiyang magbibigay daan sa mas mabilis na proseso sa kinauukulang mga tanggapan ng gobyerno.
Sa puntong ito, higit na kailangan ang pagkakaroon ng isang Kongresong makakatuwang ng susunod na administrasyon.
