ANONG HIWAGA MERON SA FACE SHIELD?

HINDI ko alam kung anong meron at bakit ayaw bitawan ng ilang opisyal ng gobyerno ang face shield? Pero may idea na ang mga tao kung bakit at sinasabi nila ‘yan sa social media.

Katakot-takot na rin ang negatibong komento ng netizen sa face shield at ginawa na itong simbolo ng katiwalian sa Duterte ­administration pero ayaw pa ring bitawan ng ilang opisyal?

Walang maipakita ang Department of Health (DOH) na nakatutulong ang face shield para maprotektahan ang mga tao sa COVID-19 pero ayaw pa ring bitawan kaya lalong nagdududa ang publiko.

Magkano nga ba ang kinita ng Pharmally sa face shield nang bentahan nila ang gobyerno sa pamamagitan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management noong panahon ni Usec. Lloyd Christopher Lao?

Meron pa bang hindi naidedeliber na face shield at marami pa bang stock ang mga negosyanteng Chinese nationals na hindi pa naidi-disposed kaya ayaw pang alisin ito? Nagtatanong lang!

Masyadong mahiwaga ang face shield dahil tayo lamang sa buong mundo ang inoobligang magsuot nito. Kahit sa China, kung saan galing ang mga face shield, ay wala kang makikitang nagsusuot nito.

Only in the Philippines, ika nga nila. Kahit sa Amerika, India at Brazil na top 3 countries pagdating sa nahawaan ng COVID-19, ay hindi pinagsusuot ng face shield ang mga tao.

Pinag-uusapan na rin sa ibang bansa ang booster shot para maproteksyunan nang husto ang mga tao sa COVID-19 pero tayo, hindi pa nakakawala sa isyu ng face shield… dahil ba may kumikita?

Hindi ko alam kung sinong henyo ang nakaisip na pagsuotin ng face shield ang mga tao kaya nang magkaroon ng pandemya sa bansa, maraming negosyanteng Chinese national ang nag-angkat ng face shield sa China.

At isa sa mga kumita nang husto sa face shield ang Pharmally dahil ibinenta nila ito sa PS-DBM ng ­mahigit P127 ang isang piraso pero ang bentahan sa merkado ay hanggang P20 lamang.

Mahigit isang taon na tayong pinagsusuot ng face shield pero bakit marami pa ring nahahawa sa COVID-19 kung talagang napoprotektahan nito ang mga tao sa virus na nagmula sa Wuhan, China?

At saka naisip ba ng mga kumokontra sa pag-alis ng face shield kung gaano ito kabigat sa bulsa ng mga tao? Hindi nagtatagal ang ­materyales nito kaya bili nang bili ang mga tao. Imbes na pambili na sana ng bigas, ibibili pa ng face shield dahil mas malaki ang gastos kapag hindi ka nagsuot nito lalo na kung mahuhuli ka.

Hindi rin ba naisip ng ­henyong nakaisip na pagsuotin ng face shield ang mga Filipino sa ayaw at sa gusto nila ang epekto nito sa ating kapaligiran? Hindi natutunaw ang plastik ng face shield na isinusuot natin.

Wala ring proper disposal sa mga plastic na ito kaya kahit saan ka lumingon, meron kang makikitang itinapong face shield sa mga basurahan at marami na rin akong nakikitang inaanod sa ilog.

Lalong natambakan tayo ng basura ng China dahil sa face shield na ito pero may pananagutan ba ang mga importer nito? Palagay ko wala dahil wala namang kasunduan na dapat kolektahin nila ang mga itinapong face shield.

Kung baga, kumita na ang China at mga importer kasama ang kanilang kasabwat sa Pinas sa face shield ay sinira pa nila ang kapaligiran pero pagdating sa pananagutan, bokta na!

478

Related posts

Leave a Comment