ANTI ROAD RAGE ACT, INIHAIN NI SANDRO MARCOS SA KAMARA

BILANG proteksyon sa mga motorista laban sa mga siga-siga sa daan, inihain ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ang House Bill No. 8190 o “Anti Road Rage Act.”

Layunin ng panukala na gawing criminal offense ang road rage at magpataw ng mabigat na parusa sa sinomang mapatutunayang nagkasala.

Ayon kay Marcos, kailangang malinaw ang depinisyon ng road rage at hindi ito dapat ituring na simpleng away-trapiko kung ito ay naglalagay sa panganib sa buhay, ari-arian at kaligtasan ng iba.

Sa ilalim ng panukala, ang road rage ay anomang sinadyang agresibong aksyon ng driver o sakay ng sasakyan na naglalayong manakot, manakit o magbanta bunsod ng traffic-related incident at lumilikha ng malinaw at kasalukuyang panganib.

Kung walang nasaktan o namatay, papatawan ng anim na buwan hanggang isang taong pagkakakulong at multang P20,000 hanggang P100,000.

Kung may naperwisyo, dalawang taon hanggang apat na taong kulong at multang P100,000 hanggang P200,000 ang parusa.

Kapag nagresulta sa serious physical injuries o pagkamatay, ipapataw ang parusa sa ilalim ng Revised Penal Code bukod pa sa multang P200,000 hanggang P500,000.

Mas mabigat ang kaparusahan kung gumamit ng deadly weapon o kung ang sangkot ay uniformed personnel, at kung ang biktima ay bata, buntis, senior citizen o person with disability.

Obligado ring sumailalim sa anger management training ang lalabag sa koordinasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police (PNP).

Awtomatiko ring babawiin ang driver’s license at lisensya sa baril ng mapatutunayang nagkasala.

Kapag naisabatas, ang PNP, MMDA, Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Justice (DOJ) ang magbabalangkas ng implementing rules and regulations.

(TINA MENDOZA)

1

Related posts

Leave a Comment