APLIKASYON SA AMNESTIYA NG 17 REBEL RETURNEES, INAPRUBAHAN SA QUEZON

UMABOT sa 17 aplikasyon ng rebel returnees ang inaprubahan para sa amnestiya at reintegrasyon sa lipunan matapos ang isinagawang ika-9 na Case Conference ng Local Amnesty Board sa Quezon noong Martes, Agosto 25.

Pinangunahan ni Provincial Administrator Manuel Butardo, bilang kinatawan ni Local Amnesty Board Chairperson Governor Helen Tan, ang pagsusuri kasama ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kabilang ang Quezon PNP, sa pangunguna ni Provincial Director PCol. Romulo Albacea at ng mga opisyal ng AFP.

Tinalakay sa pagpupulong ang kalagayan at karanasan ng mga aplikante, gayundin ang mga kinakailangang dokumento upang maayos na maisulong ang kanilang aplikasyon.

Ang proseso ay bahagi ng programa ng pamahalaan na naglalayong bigyan ng pagkakataong makabalik sa normal na pamumuhay at muling maging bahagi ng komunidad ang mga kwalipikadong aplikante.

Giit ng mga opisyal, mahalaga ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya upang matiyak na ang amnestiya ay hindi lamang proseso ng legal na paglilinis ng rekord, kundi daan din sa pangmatagalang reintegrasyon at kapayapaan.

Sa Quezon, ipinakikita ng patuloy na case conference ang pagsisikap ng pamahalaan na palawakin ang mga hakbang para sa kapayapaan, pagbabalik-loob at muling pakikilahok sa lipunan ng mga kwalipikadong benepisyaryo.

(NILOU DEL CARMEN)

62

Related posts

Leave a Comment