NAKAPAGTALA si dating Senador at independent senatorial candidate Bam Aquino ng malaking pag-angat sa pinakabagong Publicus Asia senatorial survey, matapos umakyat mula sa ika-12 puwesto noong nakaraang taon patungo sa 3rd-4th positions.
Mula 27 porsiyento sa 2024 fourth quarter survey, nadagdagan si Aquino ng anim na puntos patungong 33 porsiyento sa 2025 first quarter poll ng Publicus. Dahil sa pagtaas na ito, nakapasok si Aquino sa Top 5 ng naturang survey, na isinagawa mula Marso 15 hanggang 20 na nilahukan ng 1,500 respondents.
Kapag nakabalik sa Senado, balak ni Aquino na palawakin pa ang libreng kolehiyo at tiyaking nakikinabang ang mga estudyante sa libreng pabaon na nakapaloob sa batas.
Isusulong din ni Senador Bam ang siguradong trabaho para sa mga Pilipino. Nakatanggap ang dating Senador ng malakas na suporta kina dating Vice President Leni Robredo, dating Senate President Franklin Drilon, at Senador Risa Hontiveros.
“Higit pa sa husay, si Senator Bam ay masasandalan sa pinakamalalaking laban. Alam na alam ko ito dahil siya ang aking naging campaign manager noong ako ay lumaban para sa vice presidency noong 2016, at siya ulit ang aking piniling campaign manager noong ako’y napalaban noong 2022,” wika ni Robredo sa campaign kick-off sa Dasmarinas, Cavite.
“Bagamat marami ang mga hamong ating kinaharap, kampante ako dahil siniguro niya na maayos ang lahat. Ganyan ang senador na kailangan ng taumbayan—mahusay at maaasahan,” dagdag pa niya.
Pinuri naman ni Drilon ang magandang trabaho ni Aquino sa mahihirap na mga panukalang batas, kabilang na ang Fair Competition Act na nagpalakas sa pagnenegosyo at paglikha ng trabaho sa bansa.
Samantala, nagpahayag din ng buong suporta sa kandidatura ni Aquino ang ilang mga artista, kabilang na sina Anne Curtis, Dingdong Dantes, Bea Binene, Janine Gutierrez, at beteranong actor na si Edu Manzano.
Muling nagpaabot ng suporta sina Anne Curtis at Edu Manzano sa pamamagitan ng pag-retweet sa post ni Aquino ukol sa kanyang hangaring pagandahin ang buhay at bigyan ng mas maraming oportunidad ang mga pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng kanyang batas na libreng kolehiyo at pagtiyak sa siguradong trabaho.
Una nang sumagot si Anne ng “Yes!!” sa panawagan ng stand-up comedian na si Alex Calleja na isama si Aquino sa listahan ng mga ibobotong senador sa halalan sa Mayo.
