NAMATAY sa cardiac arrest si dating Ozamiz City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog na natagpuang walang buhay sa kanyang selda noong Biyernes ng umaga.
Ito umano ang lumabas sa inisyal na pagsusuri sa bangkay ng dating local official.
“So, upon the determination of the city health official, it was determined that cause of death is cardiopulmonary arrest,” ayon kay Philippine National Police spokesperson Police Brig. Gen. Bernard Banac.
Bukod dito, isinailalim din sa coronavirus swab testing ang bangkay ni Parojinog.
Magugunitang si Parojinog ay dinala sa Ozamiz City mula sa Camp Crame detention center para dumalo sa pagdinig sa mga kasong kinakaharap nito.
Nabatid na isinailalim sa COVID-19 test ang labi ng kontrobersiyal na suspek na sinasabing nasa likod ng grupong Kuratong Baleleng Gang.
Nabatid na wala pang opisyal na medical statement ang attending physician na sumuri kay Parojinog nang dinala ito sa ospital ngunit pinaniwalaan na inatake ito sa puso.
Una nang inihayag ni Police Regional Office Region 10 (PRO-10) Spokesperson Lt. Col. Mardi Hortillosa, hinihintay nila ang resulta ng imbestigasyon dahil kung lalabas na mayroong foul play sa pagkamatay ni Parojinog ay papasok na rin ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para sa malalimang imbestigasyon.
Si Ardot ay pansamantalang ikinulong sa Metro Manila dahil sa pagiging high profile, makaraang maaresto habang nagtatago sa Taiwan noong Mayo 2019.
Kapatid ito ni dating Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog Sr. na napatay kasama ng 14 iba pa nang salakayin ng mga tauhan ni dating Ozamiz City Police Station commander, Lt. Col. Jovie Espenido, dahil sa akusasyon na sangkot sa malawakang illegal drug trade sa bansa noong Hulyo 30, 2017. (JESSE KABEL)
