KITA na ninyo, binabalahura tayo ng mga Intsik sa sariling bansa. Pero bago tayo magpatuloy, nililinaw natin, hindi po tayo “racist,” gusto lang nating umayos ang mga dayuhan gaya ng pag-ayos natin sa ating mga gawi kapag nangingibang bansa.
Tingnan Natin: mismong si Commissioner Aileen Lizada ng Civil Service Commission ay nakaranas ng hindi maganda sa mga Intsik na nakasabay sa NAIA Terminal 3.
Kuwento niya, nakapila siya at iba pang Pinoy sa “predeparture area” ng airport nang mga apat o limang Intsik ang sumuong sa ilalim ng “barrier,” pinagtatawanan pa ang mga Pinoy na nilampasan para makauna sa “x-ray machines.”
Noong nakaraang Linggo ay una na nating isinulat ang puna kaugnay sa hindi tamang pag-aasal ng mga Intsik sa Subic Bay Freeport.
Bukod sa walang pakundangang pag-iingay, pagdura kahit saan (pati sementadong sahig o hagdan sa mga coffee shops) at paninigarilyo, pati pagtapon ng upos ng sigarilyo kahit din saan.
Tingnan Natin: umabot na sa kaalaman ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman & Administrator Wilma T. Eisma ang inaasal at ginagawa ng karamihan sa mga Intsik na nagtatrabaho sa Online Gaming operations sa Freeport.
Agad naman siyang nag-utos nang pagtatakda ng pakikipag-meeting sa mga may kinalaman sa presensya ng mga Intsik sa Freeport para mapag-usapan at magawan ng hakbang kung paano maiiwasan ang hindi tama at hindi magandang asal ng mga dayuhan.
Inuulit natin. Tayong mga Pinoy ay sumusunod sa mga kaugalian, gawi at patakaran ng ibang bansang ating pinupuntahan.
Hindi masama na ang mga dayuhang bumibisita, o nagtatrabaho sa ating bansa ay turuan at pasunurin din kung ano ang tama at mali para sa atin.
Maganda na mabilis kumilos sa bagay na ito si ChAd Eisma. Kung ano ang resulta, iyan ang gusto nating malaman sa mga susunod na araw.
Tingnan Natin!
136