ASHFALL IBINABALA SA BULKANG TAAL

NAGBABALA ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa posibleng pagbagsak ng manipis na ashfall sa Agoncillo, Lemery, San Nicolas at Taal, gayundin sa mga karatig-lugar sa Batangas.

Gayunman, sa kabila ng pagputok noong Huwebes ng gabi, nananatili sa Alert Level 1 ang Bulkang Taal.

Pinayuhan naman ang publiko na manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga abiso ng Phivolcs at lokal na pamahalaan.

Magugunitang umabot sa 29 pamilya mula sa bayan ng Agoncillo, Batangas ang inilikas bilang pag-iingat matapos ang limang minutong phreatomagmatic eruption ng Bulkang Taal noong Huwebes ng gabi.

Pinangunahan ni Agoncillo Mayor Atty. Cinderella Valenton-Reyes, katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at iba pang ahensiya, ang paglikas upang maprotektahan ang mga residente laban sa posibleng epekto ng volcanic gas at ashfall.

Pansamantalang nanunuluyan ang mga inilikas sa Pagcor Socio-Civic Center sa Barangay Pansipit at sa kani-lang mga kaanak habang patuloy na mino-monitor ng lokal na pamahalaan ang sitwasyon.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), umabot sa 4,000 metro ang taas ng maitim na plume ng abo mula sa main crater ng bulkan, batay sa seismic at camera recording nang pumutok ito bandang alas-6:00 ng gabi.

(NILOU DEL CARMEN)

79

Related posts

Leave a Comment