(NI DAHLIA S. ANIN)
NAGBABALA ang Australian government sa mga citizens nito na iwasan ang pagpunta sa Central at Western Mindanao dahil sa banta ng kidnapping, terrorist attack at violent clashes sa lugar.
Sa kanilang pahayag, sinabi nilang ‘very high threat’ ang banta sa kidnapping lalo na sa Timog na bahagi ng Pilipinas, partikular sa Zamboanga Peninsula, Sulu at ilan pang lugar sa pagitan ng Pilipinas at Sabah.
Hinihikayat din nila ang mga turista na pag-isipan muna ang pagpunta sa Silangang bahagi ng Mindanao dahil sa ‘high level of risk’ doon.
Sinabi rin nila sa kanilang advisory na nasa ilalim ng Martial Law ang Mindanao, na magpapalakas sa pwersa ng militar upang madaling mahuli ang mga suspek at nagpapatupad din ng curfew doon at mga checkpoints.
Para naman sa mga citizen nilang nasa Pilipinas, pinaalalahan sila na lubos na mag-ingat dahil sa banta ng terorismo sa bansa, kasama ang Maynila.
“Be alert to possible threats around locations that have low level of protective security and places that could be terrorists’ target. Possible targets includes commercial and public places frequented by foreigners,” ayon pa sa advisory.
Kasama rin sa paalala na illegal para sa mga foreigners ang pagsali sa mga rallies kaya’t iwasan ang pakikilahok sa mga demonstrasyon.
Nagbabala rin sila tungkol sa mga bagyo na maaring tumama sa bansa hanggang Disyembre.
