AYAW SA CHINA-MADE COVID-19 VACCINES

TAYTAY, Rizal – Sa paghahangad na mabuo ang kumpiyansa ng mga residente sa mass vaccination, minarapat ng lokal na pamahalaan ang pagbili ng mga bakunang may mataas na antas ng bisa.

Sa isang social media post, sinabi ni Taytay Mayor Joric Gacula na napagpasyahan nilang tangkilikin ang bakunang gawa ng AstraZeneca at Moderna, batay na rin sa general consensus ng kanilang mamamayan.

Aniya, may agam-agam ang maraming residente ng kanilang bayan sa bakunang gawa ng Tsina lalo pa’t napag-alamang masyadong mababa ang efficacy rate ng mga ito.

Sa isinagawang konsultasyon sa local medical community at sa mga residente, lumalabas na higit na marami ang pumapabor na maturukan ng bakunang mataas ang efficacy rate.

Sa pagpili ng AstraZeneca at Moderna, naging pangunahing basehan ng Taytay local government unit ang mga pag-aaral ng mga siyentipiko.

Lumalabas na ang AstraZeneca ay nakapagtala ng mahigit 90% efficacy samantalang ang Moderna ay mayroong 94% efficacy rate.

Paliwanag pa ni Gacula, malaking bentahe sa hangad na mass vaccination ng pamahalaan kung may kumpiyansa ang kanilang mga residente sa bakunang gagamitin.

“Sino ba naman ang papayag magpabakuna kung duda o takot sila sa maaaring kahinatnan pagkatapos magputurok,” ayon sa alkalde.

Bagama’t walang partikular na tatak ng bakunang binabanggit ang punongbayan, iginiit niyang higit na mainam at praktikal sa kanilang lokal na pamahalaan na gumamit ng bakunang mabisa upang hindi masayang ang pondong kanilang inilaan.

Bukod sa public consensus, naging basehan din ng Taytay LGU ang rekomendasyon ng kanilang local medical community.

“Mahalagang marinig din namin ang punto de vista ng mga taong higit na may kaalaman sa siyensiya at medisina kaya naman sumangguni din kami ng mga medical professionals mula dito sa aming bayan,” dugtong pa niya.

Wala na rin umanong dapat pang alalahanin sa paglalagakan dahil mayroon na aniyang cold storage facilities sa nasabing lokalidad.

Kasalukuyan na rin umano nilang inihahanda ang mga vaccination center kunsaan gagawin ang pagbabakuna.

Tiniyak din niyang ang bawat vaccination centers sa kanilang bayan ay mayroon pasilidad para sa observation at recovery ng mga tuturukan.

Una nang inaprubahan ng Sangguniang Bayan ang P300 milyong alokasyon para sa pagbili ng kanilang bayan ng mga bakuna kontra COVID-19. (FERNAN ANGELES)

165

Related posts

Leave a Comment