PORMAL nang ilulunsad ng Police Regional Office 4A ang B.E.S.T. School Alert and Rapid Response System ngayong araw, Setyembre 24, sa PRO 4A Covered Court sa Camp Vicente Lim, Calamba City, Laguna.
Layunin ng sistema na mapabilis ang pag-uulat ng insidente at pagtugon ng pulisya sa mga paaralan sa CALABARZON, gamit ang isang mobile application na may emergency alert feature.
Sa ilalim ng sistema, maaaring magpadala ng alerto sa pinakamalapit na police personnel sa pamamagitan lamang ng isang swipe o pindot kapag may naganap na insidente o emergency sa loob o paligid ng paaralan.
Kabilang sa bibigyan ng access sa application ang mga guro, school principal, security personnel at iba pang kawani ng paaralan, upang magkaroon sila ng direktang paraan ng pakikipag-ugnayan sa pulisya.
Bago ang pormal na paglulunsad, isinagawa na noong Lunes, Setyembre 21, ang initial rollout at installation ng B.E.S.T. system sa Jose Rizal Memorial School sa Calamba City, Laguna, kasabay ng simultaneous flag-raising ceremony sa 155 paaralan sa buong CALABARZON.
Pinangunahan ito ni PRO 4A Regional Director PBGen Dominic Baccay, kasama ang mga kinatawan ng Department of Education, Bureau of Fire Protection, Calamba City Government, barangay officials, Parents-Teacher Association, school personnel at mga estudyante.
Ang B.E.S.T. ay nangangahulugang Build Partnership, Early Detection, Swift Alert at Tactical Response, na nakapaloob sa B.E.S.T. Policing Framework ng PRO 4A na Be Visible, Engage Immediately, Serve Together at Transform Trust.
Binigyang-diin ng PRO 4A na mahalaga ang maagap na pag-uulat at mabilis na koordinasyon lalo na sa mga insidenteng may kaugnayan sa krimen, karahasan, sakuna at iba pang emergency sa mga paaralan.
Kasunod ng programa sa Calamba, nakipagdayalogo rin ang pulisya sa school administrators at mga magulang upang alamin ang mga pangunahing usapin sa seguridad na nais nilang matugunan.
Sa pamamagitan ng B.E.S.T. School Alert and Rapid Response System, target ng PRO 4A na magkaroon ng mas mabilis na alerto, mas maagap na police response at mas ligtas na kapaligiran para sa mga estudyante at school personnel sa CALABARZON.
(NILOU DEL CARMEN)
70 