TAMBULI ni JESSE RUIZ
MUKHANG nahihirapang pagtakpan ng Armed Forces of the Philippines partikular na ang Philippine Air Force, ang idinulot na kontrobersya ng isang larawan nang magpa-Kodak si Reserve Brigadier General Michael “Mikee” Romero kasama si AFP chief of Staff Antonio Nafarrete pagkatapos makumpirma ang kanyang ranggo bilang Brigadier General noong Agosto 13, 2026.
Agad na nag-viral ang nasabing photo op at napuna ng mga retiradong opisyal ng militar na mas marami pang medalya at ribbons si Romero kumpara sa mismong pinuno ng AFP.
Tanong maging ng ilang military officer, orig ba mga katoto, ang mga nakasabit na fruit salad sa uniporme ni Sir Mikee.
Ang kontrobersya ay nauwi sa paghahain ni BGen. Romero, PAF reserve, ng kanyang resignation.
Ayon sa ilang kritiko, para matapos na ang isyu at mamatay ang kontrobersya ay kailangang magbitiw si Romero sa pagiging reserved officer subalit may mga naglabasan pa ring reaction sa mga social media na nagsasabing tip of the iceberg lamang ang isyu kay Romero.
Dahil sa “Romero Medal Brouhaha”, sinasabing naghigpit ang AFP at PAF Reserve Command. Naglabas na umano sila ng direktiba para sa mga inilatag na reporma gaya ng pag-review sa mga iginagawad na Honorary Badges.
Mas hihigpitan na ang pagbibigay ng mga parangal at honorary badges sa mga reservist, lalo na sa mga politiko at negosyante.
Layunin na tiyaking ang mga parangal ay ibibigay lamang batay sa aktwal na kontribusyon na may malinaw na basehan, upang mapanatili ang integridad ng military awards and recognition system.
Sinasabing ito ang ugat ng galit ng mga retiradong opisyal gaya nina retired Major General Romeo Poquiz at retired Colonel Dencio Acop, na nag-post sa kanilang mga social media account hinggil sa umanoy “Gawad sa Kapayapaan” medal na suot ni Romero.
Bukod sa medalyang ito, napakarami pang ibang ribbons at honorary badges ang nakasabit sa kanyang dibdib. Ayon sa mga beterano, hindi makatarungan na ang isang reservist na hindi naman sumabak sa giyera o operasyon ay may mas maraming dekorasyon pa kaysa mga rebolusyonaryo at apat na bituing Heneral ng AFP.
Tinawag nila itong “stolen valor” o pagnanakaw sa dangal ng mga totoong nakipaglaban.
Pero bago nagbitiw at ni-relieve ng PAF sa kanyang puwesto bilang Wing Commander ng Tactical Operations Wing (Reserve) Northern Luzon noong Agosto 19, 2026, ay pinabulaanan ni Romero ang mga akusasyon sa kanya.
Ginawa niya ito, mga katoto, sa gitna ng kontrobersiyang binansagang “stolen valor” hinggil sa napakaraming medalya at badges na kanyang suot sa mga viral na larawan
Hindi Gold Cross. Nilinaw ng negosyante at dating House Deputy Speaker na wala siyang Gold Cross Medal, ang ikatlong sa pinakamataas na karangalang ipinagkakaloob sa mga miyembro ng AFP na napalaban.
Katwiran ni Romero, kailanman ay hindi siya nag-claim na meron siya nito. Ang suot niya ay ang Gawad sa Kapayapaan, na iginawad sa kanya dahil sa kanyang kontribusyon sa modernisasyon ng AFP.
Bilang mambabatas noon sa Kongreso, pinangunahan niya ang paglalaan ng pondo upang makabili ang PAF ng tatlong bagong C-130 transport aircraft, na malaking tulong sa mga operasyon ng militar at relief efforts.
Giit pa ng kampo ni Romero, lahat ng kanyang medalya at ranggo ay may katumbas na General Orders at opisyal na dokumento mula sa AFP, kaya bukas siya sa anomang imbestigasyon o validation process.
Sa kasalukuyan ay wala pang inilalabas na resulta ang PAF hinggil sa kanilang isinasagawang imbestigasyon kaya nanatili pa rin si Romero bilang isang PAF Reserve officer.
Ayon sa tagapagsalita ng PAF na si Col. Ma. Christina Basco, ang bawat ribbon, medalya, at badge na isinusuot ng isang sundalo (aktibo man o reservist) ay dapat may katapat na General Orders o opisyal na sertipikasyon.
Ito ang kasalukuyang sinusuri ng binuong board of investigators ng Air Force upang makita kung legal at dumaan sa tamang proseso ang pagbibigay ng mga ito kay Romero.
Bagamat naghain si Romero ng kanyang “retirement/resignation” noong Agosto 19, nilinaw ng AFP na hindi pa siya tuluyang inaalis sa rooster dahil kailangan muna itong aprubahan ng mas mataas na awtoridad habang gumugulong ang imbestigasyon.
Pero isang dating military officer naman ang nag-post sa kanyang social media account na ang isyu ni Romero hinggil sa fake medals at decorations ay tip of the iceberg lamang.
“He didn’t know when to stop and just had to get himself promoted to Brig Gen (Res) and have a photo with the CSAFP at his confirmation wearing all his overblown appurtenances on his uniform which never saw combat including a fake Gold Cross and a Distinguished Aviation Cross.”
Hindi lamang umano dapat magtapos sa imbestigasyon at pag-revisit sa polisiya at proseso pagdating sa recruitment, promosyon, at pagbibigay ng medalya o honorary badges sa mga reservist lalo na sa hanay ng mga negosyante at mga politiko, ang kontrobersya.
Bagamat tinawag ng kanyang kampo na “retirement” ang kanyang pag-alis, nilinaw ng PAF na ito ay ikinukonsiderang resignation dahil siya ay isang reservist.
Kinumpirma ng dating tagapagsalita ng PAF na si Col. Ma. Christina Basco, tuloy pa rin ang imbestigasyon ng Philippine Air Force. Bineberipika pa rin ang lahat ng kanyang records, parangal, at mga kautusan (issuances) upang masigurong nasunod ang mga tamang regulasyon
Sa social media post ng isang retired military colonel… “As his counterfeit exploits became viral, people in the know have volunteered more damaging information about this wannabe. Someone allegedly answered for his test papers in college. Romero allegedly attended the AFP’s Command and General Staff Course only on two occasions, one a “boodle fight” and when a VIP visited the college, and yet he was allowed to graduate and thereby awarded the CGSC badge.”
“Therefore, if there is an ongoing investigation into his case, it should not be limited to just the Philippine Air Force Reserve Command. It should be expanded to include the AFP Command and General Staff College as well as other individuals and offices who gave him those unearned awards and decorations. For the sake of the morale and welfare of all the men and women in uniform of the Armed Forces of the Philippines who certainly do not deserve the shabby treatment they’ve been getting witnessing rich and political individuals like Romero take all the credit unearned while they battle and die at the hands of our state enemies.”
Pero may mas nakatatawag pansin sa ginagawang paghimay ng ilang nagmamasid sa kontrobersya, na baka ginagatungan at pinapaypayan lamang ng mga kalaban ng estado na nagsasamantala ang ating kahinaan, ang kontrobersya para kusang mawasak ang bansa, na bahagi naman ng kanilang opensa.
69 