BABAE, DROGA, ALAK SA BILIBID IBINUNYAG NG DATING OPISYAL

bucor55

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

INISA-ISA ng mga dating opisyal ng Bureau of Corrections ang mga money making activities sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).

Ginawa ito nina dating BuCor Officer in Charge Atty. Rafael Ragos at  Intelligence Agent Jovencio Ablen Jr. sa ikalimang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa mga iregularidad sa NBP bukod sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) for sale.

Sa pagtatanong ni Senador Panfilo “Ping” Lacson, sinabi ni Ragos na kabilang sa pinagkakakitaan sa NBP ang pagpapasok ng mga babae na ang tawag nila ay tilapya; kidnapping; casino; catering; SOP or pasalubong sa bawat bagong opisyal; pagpasok ng mga kontrabando tulad ng cellphone, baril, alak, sigarilyo at droga; at special request na kinabibilangan ng pagsasagawa ng party at pagpapasok ng dayuhang babae.

“Sa loob ng maximum ay maraming unusual transaction regarding sa money making, halimbawa ay yung tilapya (babae), nakakapagpasok sila ng babae,” saad ni Ragos.

Inihayag naman ni Ablen na sa kanilang pagtantya nasa P300,000 hanggang P500,000 kada linggo ang kinikita sa mga iligal na aktibidad na ito.

Sa pagdinig, naungkat muli ang pagkakasangkot ni dating Justice Secretary at ngayo’y Senador Leila de Lima sa mga iligal na gawain sa loob ng NBP.

Isinalaysay nina Ragos at Ablen ang pagkakataon na dalawang beses silang nagdeliver ng P5 million sa bahay ni de Lima sa Paranaque City na tinanggap anila ng dating bodyguard na si Ronnie Dayan.

Muli ring binigyang-diin ni Ragos na lahat ng mga nakuha nilang pondo para kay de Lima ay naglalayong gamitin sa kampanya noong 2016.

KATIWALIAN SA BUCOR, KINUMPIRMA 

Kinumpirma ni Bucor Legal chief, Frederic Santos na mayroong nagaganap na katiwalian sa loob ng Bilibid.

Sa pagtatanong ni Lacson, inamin ni Santos na mayroong katiwalian partikular sa mga keeper o gwardya na pinagbibigyan ang mga preso na makagamit ng cellphone.

“Halimbawa po sa keeper, ang keeper po ang trabaho magbantay ng walong oras, babantayan nya ang mga bilanggo kung kumpleto, kumain, buhay pa. Pag pupunta ka sa loob ng brigada makikita mo minsan nagcecelphone minsan nag-iinuman, gagawa ng improvised alak. Nakikiusap ang mga yan,” saad ni Santos.

“Minsan out of mercy, sige kumpiskahin ko na lang cellphone mo. Bibigyan P500 malaki na P1000,” diin ni Santos.

Gayunman, aminado si Santos na matindi ang katahimikan sa loob kaya’t hindi naituturo kung sinu-sino ang sangkot sa mga iligal na aktibidad.

“Ang code of silence matindi. Ang buhay po sa loob parang dalawa singko pwede siya mamatay dun,” dagdag pa nito.

Sa umpisa naman ng pagdinig, kinastigo ni Senador Richard Gordon si BuCor Documents Division chief, Ramoncito Roque sa mali-maling talaan ng mga dapat sanang palalabasin nang maaga sa pamamagitan ng GCTA.

Partikular na tinukoy ni Gordon ang pagkakasama sa talaan ni Janet Lim Napoles na ang nakalagay na kaso ay rape.

“Inaaral mo ba ginagawa mo?” tanong ni Gordon kay Roque.

Sa datos ni Gordon, 197 sa mahigit 800 na palalayain sana sa panahon ni dating Bucor Director General Nicanor Faeldon, marami anyang mali-mali ang pangalan at kaso gayundi ang double entry.

Iginiit naman ni Roque na hindi naiwasan ang ilang pagkakamali dahil minadali ang talaan.

“Palusot lang yan, nahuli na eh,” diin ni Gordon.

 

191

Related posts

Leave a Comment